Kinumpirma ni PCapt. Dem Jose Sabbaluca ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa Palawan Daily News na sinampahan na ng mga kasong administratibo ang walong pulis mula sa Police Station 2 na sangkot sa madugong pamamaril sa Zone 13, Barangay Irawan, noong Abril 3.
Ayon kay Sabbaluca, patong-patong na kasong administratibo ang kanilang isinampa laban sa mga sangkot, kabilang na dito sina PCpl. Renato Bendaña, PSSg. Joseph Ian Carpio, PSSg. Joseph Ian Carpio, at PSSg. Michael Juan.
“Grave misconduct, irregularity in the performance of duty, neglect of duty, incompetence, and conduct of unbecoming police officer,” saad nito sa interbyu sa kaniya.
“Bale nai-forward na po namin nakaraang araw papuntang NIAS (National Internal Affairs Service) po sa [Camp] Crame,” saad pa niya.
Dagdag pa niya, kung mapatunayang may sala ang mga pulis na sangkot, maaari umano silang masibak sa serbisyo.
“Kung lahat pong nang nai-file naming sa kanila ay napatunayan na totoo po at tama po ang aming charge sa kanila ay pwede po silang ma-dissmiss from service.”
Ipinaliwanag din niya na dahil sa dami at bigat ng mga kasong isinampa, malaki ang posibilidad na mauwi ito sa dismissal, lalo na ang unang nagpaputok ng baril na si Bendaña.
“Since, maraming grave offenses kaming finile maaaring umakyat sa dismissal from service ang penalty po ng mga involved na personnel. Probably sir ‘yung nagpaputok sir yung mas malaking chance na ma-dismiss from service.”
Samantala, nakadepende pa rin umano sa Summary Hearing Officer ang bilis ng pagdinig sa kaso at ang pagsusumite ng pinal na ulat, na siyang magiging batayan ng Disciplinary Authority (DA) ng PNP sa pagpapataw ng kaukulang aksyon.
Sa kasalukuyan, nasa restrictive custody pa rin sina Bendaña at ang tatlo pa nitong kasamahan.














