Kasong kriminal at administratibo ang kakaharapin ng apat na pulis na sangkot sa nagyaring madugong barilan sa isang lamay sa Zone 13, Barangay Irawan, Puerto Princesa, noong gabi ng Biyernes Santo na ikinasawi ng tatlong uniformed personnel.
Sa isang live press briefing noong Abril 6, ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinangunahan nina Secretary Juanito Victor Remulla, kasama ang ilang matataas na opisyal ng kapulisan, kabilang na si PNP Chief PGen Jose Melencio Nartatez Jr., binanggit nito ang ilang bagong impormasyon kaugnay sa insidente kabilang na ang nakatakdang pagsasampa ng kaso sa mga sangkot.
Kinuwestyon din ni Nartatez kung bakit nakasibilyan ang apat na pulis sa kabila ng full alert status noong Semana Santa, at kung bakit umano’y nasa impluwensya ng alak ang dalawang pulis bago mangyare ang krimen.
“The question is: why is it that they are in civilian attire during Holy week, during full alert status? And bakit naka-inom?” pagtatanong ni Nartatez.
“I already given my staff to full investigate that will eventually answer those things, filing administrative and criminal charges too, especially [to] our police officers. They are responsible and accountable for their units — failures and their success,” saad niya pa.
Ang tinutukoy na apat na pulis ay sina PCpl Renato Bendaña, PSSg Jonah Balangan, PSSG Michael Juan, at PSSg Joseph Ian Carpio na umano’y mga rumesponde sa lugar at kasama ng dalawang pulis na nasawi.
Ayon pa kay Nartatez, kasalukuyan nang nakakulong at na-disarmahan ang apat na sangkot habang patuloy ang imbestigasyon.
“Nakakulong na sila and there were disarmed and continuing pa rin ang investigation. They are restricted but they are already lock-up, nakakulong for the filing of appropriate charges. Of course, mayro’ng namatay eh, ano maipa-file do’n? –- homicide or murder.”














