Sa naging pagtatanong ng Palawan Daily sa ginanap na press conference ngayong Lunes, direktang kinumpirma ni PBGEN Jovencio Badua Jr. na nagkaroon ng seryosong operational lapses ang mga pulis-Puerto Princesa na sangkot sa barilan sa Barangay Irawan.
Hayagang binatikos ng Regional Director ang naging asal ng kanyang mga tauhan na sa halip na magpakita ng disiplina habang nasa ilalim ng Full Alert status ngayong Semana Santa ay nakuha pang uminom ng alak at lumabas nang hindi naka-uniporme.
Ayon kay Badua, ang pagiging lasing at pagsusuot ng civilian attire ng mga pulis ang pangunahing mitsa ng trahedya dahil nagdulot ito ng matinding kalituhan sa pagkakakilanlan sa pagitan ng mga operatiba at ng nasawing kawani ng BuCor. Binigyang-diin ng opisyal na isang malinaw na gross misconduct ang hindi pagsusuot ng tamang uniporme sa gitna ng operasyon at ang kawalan ng self-restraint ng mga pulis na mas pinairal umano ang emosyon kaysa sa tamang proseso.
Dahil sa mga inaming pagkukulang na ito, tinitiyak ng PRO MIMAROPA na hindi lamang ang mga sangkot na pulis ang mananagot kundi maging ang kanilang mga immediate supervisor sa ilalim ng command responsibility.
Mariing binalaan ni Badua ang buong hanay na hindi itotolerate ng pambansang pulisya ang ganitong uri ng iresponsableng pag-uugali na nagresulta sa pagbubuwis ng buhay.














