Dalawang wanted sa batas ang arestado sa dalawang munisipyo ng lalawigan ng Palawan nitong Marso 1, 2022. Kinilala ang unang naaresto sa bayan ng San Vicente na si Lorenzo Villafuerte Maarat, alias Don-Don Maarat, 43 anyos, mangingisda at residente sa New Site, Barangay Binga. Ang suspek ay Rank No. 6 na wanted Provincial Level, ayon sa Palawan Provincial Police Office.
Sa bisa ng warrant of arrest na hawak ng San Vicente Municipal Police Station at pirmado ni Judge Emmanuel Q. Artazo, Presiding Judge of Branch 14-Family Court ng Taytay, Palawan nitong February 9, may dalawang kaso ng panggagahasa ang suspek at walang inilaang piyansa ang korte sa kaso nito.
Sa bayan naman ng Coron, arestado rin ang suspek na si Lorimar Salise Ipanag, 28 anyos, Rank No. 9 ng Balingasag MPS, MISORPPO na pansamantalang residente ng Umali Dive Center, Barangay Poblacion 3.
Nahuli ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na pirmado ni Judge Evelyn J. Gamotin-Nery of RTC 10th Judicial Region, Branch 19, Cagayan De Oro City noong January 22, 2020 sa kasong paglabag ng R.A. 9262, o ang batas laban sa karahasan sa kababaehan at sa kanilang mga anak.
Nabatid na ang suspek ay sa Palawan na nanirahan simula nang ito ay sampahan ng kaso.
Samantala mayroon naman inilaang pyansa sa kaso ng suspek sa halagang 72, 000.00 para sa pansamantalang kalayaan nito.
Ang dalawang suspek ay nasa pangangalaga na ng awtoridad para sa tamang disposisyon.















Discussion about this post