Dead on arrival ang isang kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) (MENRO)-Aborlan sa naganap na vehicular accident kagabi.
Kinilala ang yumaong indibidwal na si Lemuel Alegria Panggo, 27 taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Isaub, Aborlan, Palawan, drayber ng kulay itim na Suzuki Smash motorcycle na may temporary plate no. FF1701 habang ang kanyang nakabanggaan ay si Bernabe Padul Ceralbo III, 32 anyos, binata, may driver’s license at residente ng Brgy. Pangobilian, Brookes Point, Palawan, at drayber ng puting Toyota Hiace Van (Pilandok) na pagmamay-ari ni Nomelito Ilagan Lagan.
Sa spot report mula sa Palawan PPO, nakasaad na bandang 7 pm kahapon nang makatanggap ng tawag ang Aborlan MPS na nag-uulat hinggil sa insidente na naganap sa National Highway, humigi’t kumulang 15 metro ang layo mula sa PALECO post number N0414 sa Sitio Maligaya, Brgy. Iraan, Aborlan, Palawan.
Napag-alaman ng pulisya na binabagtas ng biktimang si Panggo ang National Highway mula sa Brgy. Poblacion at patungo sa Brgy. Isaub, Aborlan habang si Ceralbo naman ay nagmamaneho at tinatahak ang kabilang direksiyon. Ngunit pagdating umano sa nasabing lugar ng aksidente ay kinain ni Panggo ang kabilang linya na nagresulta sa head on collision o banggaan sa harapang bahagi ng nasabing mga sasakyan.
Dahil sa insidente ay nagtamo ng malubhang pinsala ang biktimang si Panggo at agad na dinala sa Aborlan Medicare Hospital ngunit dineklara siyang dead on arrival (DOA) ng tuminging manggagamot na si Dr. Dan Bonbon habang si Ceralbo naman ay hindi nasaktan na boluntaryo namang sumuko sa Aborlan PNP.
Kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Aborlan MPS ang mga sasakyan na parehong nagtamo ng pinsala sa nangyaring banggaan.
Discussion about this post