Ipina-blotter sa barangay ang ginawang panununtok ng isang lasing na pulis sa tricycle driver dakong 8:15 PM noong October 27,2019 sa Bgy Mandaragat, Puerto Princesa City.
Batay sa blotter, ang biktima ay si Rafel Tabinga, 30, ng Purok Bukang Liwayway, Bgy. Mandaragat habang ang pulis ay nakilalang si Police Staff Sergeant Rey Cabildo, 34, nakatalaga sa Puerto Princesa City Police Station 1 at residente ng Purok New Buncag, Bgy Mandaragat.
Namamasada umano ang biktima at nang mapadaan siya sa tapat ng bahay ni Bgy Kagawad Violeta Delos Reyes ay humarang sa kalsada ang suspek kaya tinanong niya ito kung sasakay subalit bigla na lamang umano siya nitong sinuntok at bumunot pa ng baril hanggang sa magpambuno na sila.
Nang madala na sa outpost ang suspek ay muli siya nitong sinuntok kung saan nakita rin ito sa CCTV ng Barangay.
Nakuha naman sa pulis ang kaniyang issued firearm na 9mm Beretta pistol na may serial number PNP 53056, dalawang magazines na kargado ng bala, cellphone, kutsilyo at wallet na walang lamang pera.
Samantala, dinala sa Police Station 1 ang suspek at itinurn-over kay PSS Bogaon ang baril at iba pang kagamitan ni Cabildo.
Napag-alaman naman ng PDN na dumulog na sa NBI Palawan ang biktima at nakatakdang kuhanan ng sinumpaang salaysay habang ang pulis na inirereklamo ay sinisikap pang kuhanan ng kaniyang panig.
Discussion about this post