Isang lalaki at isang estudyante ang nagsuntokan matapos ang isang argumento 10:30PM ng Lunes, sa Palawan State University Narra Campus, Barangay Antipuluan, Narra, Palawan.
Ayon sa spot report mula sa otoridad, kinilala ang lalaking si Marcelino Tantiado, 30-anyos, driver at residente ng Barangay Marangas, Bataraza, Palawan habang ang estudyante ay nakilalang si Jonathan Mabunga, 27-anyos, residente ng Barangay Poblacion, Narra, Palawan.
Sa imbestigasyon, nasa impluwensya umano ng alak si Tantiado nang mag-desisyon itong pumunta sa eskuwelahan, kung saan naroon ang misis, upang makipag-usap.
Sa gitna ng pag-uusap ng dalawa, lumapit umano si Mabunga upang awatin ang mga ito subalit doon na sila nagkasagutan ni Tantiado at nagsimulang magbangayan.
Nauwi sa suntokan ang magkabilaang panig kung saan pareho silang nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at mukha.
Agad naman silang inawat ng mga rumesponde at dinala sa Narra Medicare Hospital upang maampatan ng pangunahing lunas at maisailalim sa isang alcohol test.
Discussion about this post