Itinuturing na tapos na ang isyu dahil ganap nang tinuldukan ng mga otoridad mula sa National Bureau of Investigation Manila ang anumang mga espekulasyon, haka-haka at mga alegasyon ng maraming indibidwal na nag- aabang kada araw kung ano ang latest development sa kaso.
Kaugnay nito, nagbigay din ng “closure statement” ang pamilya Galleno, kalakip ang kanilang tauspusong pasasalamat sa mga otoridad na nagsikap upang maresolba ang kaso, kay Senador Raffy Tulfo na tumulong din upang magkaroon ng tuldok ang isyu, at mismong mamamayan ng Puerto Princesa, kasama na ang mga netizens mula sa iba’t- ibang panig ng loob at labas ng bansa, na tumugaygay sa usapin.
Ang naturang pahayag ay kanyang inilabas sa kanyang Facebook ganap na 9:36 pm, araw ng Lunes, ika-19 ng Setyembre.
Saad ni Jonalyn Galleno, kapatid ni Jovelyn: “Hello everyone, we think that we’re responsible to give update and statement since we seek for your help to boost our post, update, and the reason why we are able to contact the national and local media. We would like to say thank you sa PNP for understanding sa paghingi namin ng 2nd opinion from the NBI manila, ginawa namin yon dahil narin naniniwala kami sa possibility na baka may chance na mabago ang resulta. “This would be the last and final statement from us the Galleno Family, we’re praying for y’all na magkaron narin kayo ng acceptance at samahan kami sa pabangon. Muli kami nagpapasalamat sainyo, Godbless everyone, Hindi man natin maunawaan sa ngayon bakit nangyare to, pero maniwala tayong sinamahan tayo ng Diyos simula umpisa hanggang dulo.”
Sa kabila na ang anumang resulta ng polygraph examination sa sinumang indibidwal ay hindi maaaring gamitin sa korte, ngunit kadalasang ito ay nagiging pamamaran ng mga otoridad upang gawin ang mga kaukulang istratehiya para sa ikareresolba ng isang kaso. Ang dalawang pangunahing suspects sa Galleno case ay magkasunod na isinailalim sa lie detector test ng mga kinauukulan mula sa NBI Manila sa kanilang lokal na tanggapan sa lungsod ng Puerto Princesa. Unang isinalang sa lie detector test noong ika-14 ng Setyembre si Leobert Dasmariñas sa lie detector at ika-15 naman ng Setyembre si Jovert Valdestamon naman ang isinailalim sa proseso.
Ayon kay NBI-Palawan Special Investigator III Cedric T. Caabay, gumawa sila ng kalatas kaugnay sa investigation report batay sa atas ng NBI Manila ng kung kaya’t isinalang sa lie detector test ang dalawang suspects sa umano’y pagpatay at panggagahasa kay Jovelyn Galleno. “From the beginning ng investigation at ang last na gagawin o (nagawa na) ay ang polygraph pagkatapos po yan ng polygraph, ay gagawa na (kami) ng report at isa-submit sa kanila (NBI Manila) bago ire- reveal ang lahat para isahan,” pahayag ni Caabay.
Samantala sa panayam ng PDN kay Jovert Valdestamon, nais niyang mapatunayan sa mga tao na wala siyang kinalaman sa nangyari kay Galleno. Inamin din nito na may galit siya kay Leobert Dasmariñas dahil sa pangyayari at wala pang nagaganap na anumang pag-uusap o pagkikita sa pagitan nilang dalawa matapos ang mga insidenteng kinasasangkutan.
Bilang karagdagan, tumanggi naman matapos ang paghamon sa ere sa programa ni Senator Rafael “Idol Raffy” Tulfo na Wanted Sa Radyo, noong nakalipas na Huwebes, ika-15 ng Setyembre, na marapat ring sumailalim sa polygraph examination o lie detector test si City Information Officer – Richard Ligad at Police Major Noel Manalo, Station Commander ng Police Station 2, matapos silang parehong idinawit ni Leobert Dasmariñas sa kaso ng pagkawala ng working student na si Jovelyn Galleno.
Subalit, ayon naman kay CIO Ligad, siya ay tumatanggi nang isailalim pa sa lie detector test, at wala nang dahilan upang isailalim pa siya rito dahil lumabas na rin ang katotohanan at nagpositibong sa dalaga nga talaga ang kalansay na natagpuan, ayon sa dalawang DNA test na isinagawa ng PNP at NBI kamakailan. “Court of public opinion. Simula pa lang, durog na ako sa ibang lugar. Anhin ko pa yun? [lie detector test].” Dagdag pa niya, hindi na rin makakatulong sa imbestigasyon ang kalalabasan kahit pa raw na siya ay isailalim pa sa lie detector test.
Kinumpirma ni NBI Special Investigator III Cedric Caabay na bumagsak sa lie detector si Leobert Dasmariñas sa ginawa nilang pagsusuri noong September 14; dulot ng pagre-react umano ang machine nang sagutin ni Leobert ang tanong ng examiner kaya bumagsak ito.
Matatandaan na si Dasmariñas ang siyang umamin sa mga imbestigador ng PNP kapulisan na siyang gumahasa at pumatay sa kanyang sariling pinsan na si Jovelyn Galleno, 22-anyos, at isang working student na nakatira sa Purok Pulang Lupa, Brgy. Sta. Lourdes, at huling nakita noong ika-5 ng Agosto.
Si Dasmariñas rin ang siyang nagturo kung nasaan ang mga kagamitan ng dalaga matapos nitong gawin ang karumal-dumal na krimen. Una nang nakulong si Dasmariñas dahil sa tangkang pagpatay sa kanyang pinsan na si Jovert Valdestamon, ngunit nakapagpiyansa naman ito sa kasong naturan. Samantala, pasado o malinis ang ginawang lie detector test ni Jovert Valdestamon na sumailalim noong September 15.
Ang NBI Palawan ay nagdeklara na kamakailan na sa oras na mag-match o magpositibo na ang ginawang DNA test sa kalansay ni Jovelyn Galleno, ituturing nang “case closed” kung kaya’t ipinasa na sa Hall of Justice para sa paggulong ng usapin na kung saan, tamang hustisya ang hinihintay ng pamilya at ng sambayanan.
Discussion about this post