Isang lalaki ang agad na binawian ng buhay matapos tagain ng kanyang kabarangay dakong 7:30 pm kahapon sa Sitio. Abuay, Brgy. Villapaz, El Nido, Palawan.
Kinilala ang biktima na si Armando Bataluna, 49 anyos, may kinakasama, construction worker habang ang suspek naman ay si Noli Larosa Paduga, 42, mngingisda, binata, mayroon ding kinakasama, at mga pawang residente ng nabanggit na address.
Sa spot report ng PPO, nakasaad na dakong 9:20 pm kahapon ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang personnel ng El Nido Municipal Police Station (MPS) mula sa kagawad ng Brgy. Villapaz na nag-ulat sa kanila ukol sa insidente.
Ayon sa impormasyon, habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima ay narinig niya ang suspek na nagsisigaw at hinahamon siya ng away. Lumabas din umano ang biktima at kinumpronta ang suspek ngunit tinaga siya ng suspek gamit ang dalang itak sa kanang bahagi ng kanyang leeg na nagresulta sa agaran niyang kamatayan.
Tumakas umano ang suspek mula sa pinangyarihan ng krimen ngunit kalaunan ay nahuli rin siya ng rumesponding mga tauhan ng Brgy. New Ibajay kung saan nakumpiska mula sa kanya ang itak na puno pa ng mga dugo na may habang 19 inches.
Una namang dinala ang suspek sa Rural Health Office para sa medical examination. Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na siya ng El Nido MPS para sa tamang disposisyon.
Discussion about this post