Binawian na ng buhay ang isa sa dalawang sakay ng truck na si Roniel Dingo, residente ng Aramaywan, Quezon, matapos mahulog sa truck kasama ang mga yero.
Ayon kay Jo Del Gutierrez kaninang umaga, Enero 17, galing sa Puerto Princesa ang truck na may laman na yero at papunta sana sa norte upang mag deliver ng mga yero sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
“Galing po ata ang truck sa bayan kung saan ay may laman itong mga yero na dapat i-deliver sa kung saang lugar papuntang north kaso po pag lampas po nila sa Bacungan sa boundary na po ito ng Brgy Sta. Cruz paakyat po sa tinatawag nilang bituka ng manok doon po ay pag liko ng truck ay na open ang gilid nito at doon nag sipag laglagan ang laman nitong yero at doon sa taas ng truck ay may sakay na dalawang tao at kasama po sila sa pag laglag ng mga yero at nadaganan po sila ng mga yerong pangarga.”
Sugatan ang dalawang sakay ng truck at napag-alaman din na ang nasawing biktima ay nag- volunteer lamang para sa pamimigay ng yero na binigay ng isang dayuhan para sa simbahan.
Sa panayam ng Palawan Daily News Team sa pinsan ng nasawi, galing bayan ang truck at maghahatid sana ito sa Barangay Maoyon at nagulat na lamang sila nang mabalitaan ang nangyari.
“Bali pastor po yong nasawi at maghahatid sana ng mga yero para sa mga tao sa Brgy Maoyon lalo na po yong simbahan doon Na nasira ng bagyo e nagulat nalang po kami na ganun na yong nangyari sa kanila nadala pa po yon sa Ospital pero naubosan na daw po ng dugo” ayon sa pinsan ng biktima.
Samantala nasa punerarya na ang labi ng biktima habang iniimbestigahan na ng PNP ang nangyaring insidente.
Discussion about this post