Arestado ang dalawang menor de edad matapos na pagnakawan ang isang paaralan sa Barangay Tinitian, sa bayan ng Roxas, Palawan, noong Mayo 11, 15, at 16, bandang 7-11 PM.
Noong Mayo 29 pasado alas dose ng tanghali pumunta umano sa Roxas Municipal Police Station (MPS) ang guro na si Gideon Galumi, 63, ng Tinitian National High School kasama ang mga suspek na pawang menor de edad at mga magulang nito upang i-report ang insidente ng nakawan.
Ayon sa report, maraming beses umano pinagnakawan ng mga suspek ang ilang silid at maging ang canteen sa nasabing paaralan at pinagsisira ang mga kandado nito.
Nakuha sa canteen ang tinatayang P1,300 pesos at sa isinagawang imbentaryo ng mga opisyal ay nawawala rin umano ang 20 na balot ng biscuits, kape, milo, at iba pang school supplies.
Ayon pa sa pulisya, nasa mahigit P9,806 umano ang halaga ng natangay ng mga suspek mula sa paaralan.
Noong Mayo 28, nitong taon ay nakatanggap ang gurong si Galumo ng impormasyon mula sa kapitan ng Barangay Tinitian na nadakip na ang dalawang menor de edad.
Discussion about this post