Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang tatlong katao matapos na magkasa ng operasyon ang mga operatiba kaugnay sa illegal gambling sa mga bayan ng Roxas at Brooke’s Point.
Unang naaresto pasado 8:59 ng umaga ika-19 ng Hulyo si Sheena May Dela Cruz, 29 anyos, teller ng Peryahan ng Bayan at residente ng Barangay 1, Roxas, Palawan. Nakuha sa kanya ang mga resibo ng Peryahan ng Bayan at 7 blank rolled thermal paper.
Pasado 9:20 naman ng umaga sa kaparehong araw ay nahuli naman sa Roxas Public Market, Barangay lV si Josephine Cutillas Gutaya, 40 anyos, teller ng Peryahan ng Bayan, at residente naman ng Barangay lV. Nakumpiska mula kanya ang resibo ng Peryahan ng Bayan at isang unit ng POC machine, ₱100 na cash at Barangay Identification Card.
Sa bayan ng Brooke’s Point naman sa Barangay Malis, pasado 1:07 ng hapon, ika-19 ng Hulyo, arestado naman ng Brooke’s Point Municipal Police Station si Danilo Robin Marcojos, 39 anyos, bet collector at residente ng Barangay District 1 sa nabanggit na munisipyo.
Nakumpiska mula dito ang isang Global Tech Mobile Online Corp Machine, isang black sling bag, tatlong kopya ng resibo ng Peryahan ng Bayan at mga bet money.
Matatandaan na kamakailan ay ipinag-utos ni former DILG Secretary Eduardo M. Año sa Philippine National Police (PNP) at Local Government Units (LGUs) ang kampanya laban sa illegal number games at hulihin ang sinumang nag-o-operate ng Peryahan ng Bayan.
“Suspendido pa rin po ang operasyon ng Peryahan ng Bayan kaya inaatasan ko ang PNP na ipagpatuloy ang maigting na kampanya para supilin ang lahat ng uri ng illegal gambling, kasama na ang PnB,” saad ni Año.
Discussion about this post