Isang panibagong proseso ang maaaring pagdaanan para sa mga third level officers ng Philippine National Police (PNP) na nakapagsumite na ng kanilang courtesy resignation.
Ipinahayag ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. nakatakdang isailalim sa lifestyle check ang mga pulis upang matiyak na malinis ang rekord ng mga ito at malaman ang koneksiyon ng bawat propedad meron ang mga ito.
Nakatakdang pangunahan ng five-man committee ang pagsusuri sa lahat ng kayamanan o negosyo na pagmamay-ari ng isang pulis mula sa kanyang pagpasok sa serbisyo.
Sa pahayag ni PGen. Rodolfo Azurin Jr., chief, PNP, “as of now we need to ask the members of the committee about the other procedures to be undertaken, but definitely that would be part of the investigation or inquiry that will be conducted by the committee to assess and evaluate all third-level officers.”
Sa sandaling matapos na ang proseso para sa lifestyle check, magsusumite ng rekomendasyon ang five-man committee sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pinal na desisyon batay sa isinagawang imbestigasyon.
Ang pagsasagawa ng lifestyle check ay hindi na bago sa mga miyembro ng Philippine National Police, dahil kada taon ay isinasagawa ito batay sa ilalim ng Republic Act 3019 o the “anti-graft and corruption practices” at Republic Act 6713 or the “Act establishing a code of conduct and ethical standards for public officials and employees.”
Isinasaad sa pinakahuling datos ng PNP, nasa 70% o halos 700 na ang kabuuang bilang ng mga nakapagsumite ng courtesy resignation isang linggo matapos ang panawagan sa kanila ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Inaasahang mas magiging mabilis ang pagdami ng bilang ng mga tatalima sa panawagan mula sa iba’t ibang police regional offices nito bagama’t sa ngayon wala pang kumpirmasyon ang PNP kung nasa bilang na ito ang tinutukoy na 10 opisyal na may kinalaman sa transaksiyon ng iligal na droga sa PNP.
Ayon kay Col. Jean Fajardo, spokesperson, PNP, “sa ngayon ay wala pa tayong information doon sa mga sinasabi at nababanggit ni Chief PNP na less than 10 na tinatarget ng investigation kung kasama na sila doon sa more or less 70 percent at aalamin natin yan at magbibigay tayo ng update kapag nakakuha na tayo ng datos.”
Discussion about this post