Inihahanda na sa ngayon ng pamunuan ng Police Station 2 (PS2) ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang kaukulang mga dokumento sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 laban sa inarestong umano’y tulak ng iligal na droga kagabi.
Batay sa ibinahaging spot report ngayong umaga ni Police Major Edgar Salazar, station commander ng PS2, isang indibidwal ang naaresto ng kanilang team sa isinagawa nilang buy-bust operation bandang ika-6:05 ng gabi kahapon sa Gomez Road, Brgy. Sta. Monica, Lungsod ng Puerto Princesa.
Kinilala ang suspek na si Jherms Dayagbil Aligada, nasa hustong gulang at residente ng Santol Road, Brgy. San Jose dito rin sa siyudad.
Ayon sa pulisya, sangkot ang nasabing suspek sa pagpapalaganap ng ipinagbabawal na gamot sa siyudad kaya ikinasa ng PPCPO-PS2 ang isang buy-bust operation kagabi na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya at pagkakakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ng isang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at P1,100 na buy-bust money.
Sa kasalukuyan ay nasa custodial facility na ng PPCPO ang nabanggit na inarestong indibidwal habang isinasaayos ang kasong isasampa laban sa kanya ng apprehending team ngayon ding araw.
Samantala, mensahe naman ng Station Commander ng Police Station 2 sa mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot na tumigil na sila sa ganoong gawain sapagkat ang pulisya ay seryoso umano sa ngayon sa kampanya kontra illegal drugs kaya payo nila na sa ganitong pagkakataon, ilaan na lamang sa pamilya ang perang natitira at huwag nang sumubok pa sa ilegal na gawain.
Discussion about this post