Hawak na ngayon ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa dalawang kaso ng panggagahasa na matagal nang pinaghahanap ng batas.
Sa impormasyong ibinahagi ng chief of police ng Roxas Municipal Police Station (MPS) na si PMaj. Erwin Carandang, mula sa Malolos, Bulacan ang suspek na si alyas Jordan na umano’y tatlong taon nang naninirahan sa Palawan upang umiwas sa batas.
“Sabi n’ya, three years na s’ya rito Palawan at wala raw siyang kamag-anak dito, meaning, nagtago lang talaga s’ya rito,” ani PMaj. Carandang.
Napag-alamang ang suspek ay 46 taong gulang, isang water delivery boy, may asawa at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. New Barbacan, Roxas, Palawan.
Batay pa sa impormasyong ibinahagi ng Roxas MPS, bandang 5:51 pm ng Miyerkules, Abril 7, nang ikasa ang joint operation ng Roxas PNP at mga elemento ng WCCU, CIDG-Camp Crame na nag-resulta sa pagkakaaresto sa suspek sa bisa ng ibinabang warrant of arrest ni Judge Victoria Bernardo ng Regional Trial Court (RTC) 18.
Discussion about this post