Pag-asa ang hatid ng “Tulong Puhunan” Program ni Konsehal Jimbo Maristela para sa mga maliliit na market vendor ng Old Public Market at mga residente ng Brgy. Tagumpay, Lungsod ng Puerto Princesa.
Mula sa Brgy. San Pedro, kung saan unang inilunsad ang nasabing proyekto ng organisasyon ni Kgd. Maristela na “Kakampi ng Bayan,” noong Dec. 11, 2020 ay naabot din ng grupo ng Konsehal ang Brgy. Tagumpay.
Sa ikalawang barangay ay 52 ang naging mga benepisyaryo na kung saan, 31 sa kanila ay galing sa loob ng pamilihang-bayan kaya sa kasalukuyan ay nasa 111 na ang kabuuang bilang ng mga recipient ng nasabing programa na pinangangasiwaan ng kanyang maybahay na si Daisy Maristela.
Ang mga napiling indibidwal ay pinahiram ng halagang P3000 bilang pandagdag sa kanilang puhunan para sa kanilang mga maliliit na negosyo na babayaran naman nila ng walang interes sa loob ng tatlong buwan o di hihigit sa P250 bayarin sa kada linggo.
“Ngayon pa lamang po…kami po ay nagpapasalamat [na] sa inyo dahil timing na timing po ang tulong na inyong ibinigay…na kailangang-kailangan po [ng aming mga kabarangay] na pandagdag [sa kanilang] puhunan,” ang masayang wika ni Kapt. Maria Lourdes Tatlonghari, kababata at kaibigan ni Kgd. Maristela, sa isinagawang pormal na programa noong Dec. 11 sa Barangay Hall ng Brgy. Tagumpay.
NAPAPANAHONG TULONG NG ‘ANAK NG PALENGKE’
Sinusugan naman ito ng Vice President ng asosasyong “Mga Magtitinda ng Puerto Princesa” sa Old Public Market na si Irene Lobaton at sinabing sadyang napapanahon ang programa ni Kgd. Maristela na kanila aniyang buong pusong pinasasalamatan sapagkat magbibigay ito ng kapanatagan sa isipan ng mga maliliit na vendor ng Lumang Pamilihang-bayan. Dagdag pa niya, batid niyang malaki ang maitutulong nito dahil dumadanas tayo ngayon ng pandemya kaya maraming mga magtitinda ang nahirapan na rin dahil sa kakulangan sa puhunan.
“Kaya ito po kahit maliit na halaga [lamang] pero ito po ay aming pinasasalamatan dahil makapagdudulot po ito sa amin ng panibagong buhay, pag-asa, at naniniwala kami na ito po ay kaloob ng Panginoon sa pamamagitan ng ating mahal na Konsehal at ‘Anak ng Palengke’ na si Councilor Jimbo Maristela,” ani Lobaton.
PAANO SILA NAPILI?
Aniya, isa siya sa mga tumulong sa kaibigang si Kgd. Maristela sa pag-identify ng mga magiging benepisyaryo at isa rin siya sa mga co-maker.
“Ang mga naging priority ko ay mga single-parent, ‘yong mga senior at ‘yong mga talaga pong nabubuhay sa pagtitinda sa pamamagitan ng bilao lang, [mga] gulay, [at ang mga] sidewalk vendors—‘yon po ang mga pinili ko sa first batch. [Huwag mag-alala ang iba dahil] may kasunod pa namang mga batch,” aniya.
Ipinaabot din ni Lobaton, sampu ng kanyang mga kasamahan sa palengke, na masayang-masaya sila na naabot sila ng proyekto ni Maristela kaya idinadalangin nilang nawa ay lumago pa ang programa.
“Timing talaga ito kasi nagkakaproblema ‘yong isang section namin, ‘yong shell section [dahil] nagkaroon ng red tide…tapos pandemic [pa sa ngayon], talagang ubos na ubos ang kanilang puhunan,” ani Lobaton.
Dagdag pa niya, sa hinahawakan niyang grupo, magbabayad ng P250 ang kanilang mga miyembro sa kada Biyernes at kinabukasan naman ng araw ng Sabado ay kukunin na ito ng collector ng samahan.
MULA SA SARILING BULSA
Sa pananalita naman ni City Councilor Maristela, ipinaliwanag niyang hindi salapi ng gobyerno ang inilagak sa kanyang proyekto kundi mula sa sariling bulsa.
Pahapyaw naman niyang ikinuwento kung paano nabuo ang “Tulong-Puhunan Program” na aniya’y noong naging konsehal siya ng siyudad ay nagpasa siya ng resolusyon na layong mapunduhan ang “Tulong Pangkabuhayan Program” ng City Government. Naaprubahan naman aniya ito at napunduhan ng P10,000,000 ngunit makalipas ang limang taon ay nasayang lamang ang pondo sapagkat hindi nagalaw.
Kaya mula nang hindi na napunduhan ay minabuti ni Maristela na buhayin ang nasabing programa sa kahit sa maliit na paraan lamang na una niyang inilunsad sa San Pedro, kung saan nakatira silang mag-anak at sumunod sa Brgy. Tagumpay na may malaking papel din sa kanyang buhay.
“Ito po ay naisipan namin na ang pangalawang barangay ay dito sa Brgy. Tagumpay, lalong-lalo na po sa [Lumang] Palengke sapagkat, alam n’yo po, ako po ay lumaki sa palengke. ‘Yong una po naming tindahan, doon lamang po kami nakatira sa taas ng aming tindahan sa palengke. At dito po sa Brgy. Tagumpay, dito rin po ako lumaki….Kaya sabi ko sa aking maybahay na pagkatapos ng Brgy. San Pedro, doon na naman tayo sa [Lumang] Palengke, sa Brgy. Tagumpay,” ani Kgd. Maristela.
GOOD NEWS SA MGA GOOD PAYER
Sa nauna namang pakikipanayam kay Maristela, masaya niyang ibinalita na kapag good payer ang isang indibidwal sa loob ng tatlong buwan ay maaari muli siyang pautangin ng P3,000.
Sa kabilang dako, ayon naman sa maybahay ni Konsehal Maristela, isinunod nila ang Brgy. Tagumpay dahil iyon nga ang ibig ng asawang konsehal.
“Supposedly, magri-release kami dapat last week sa Brgy. San Pedro kaya lang, sabi niya (Kgd. Maristela) mas mauna dapat sa Brgy. Tagumpay kasi nga nakadalawang release na rin kami ro’n (San Pedro),” ani Gng. Maristela, kasabay naman ng palakpakan ng mga naroroon.
Tanging hiling naman ng kabiyak ni Maristela na magtulungan ang lahat ng benepisyaryo upang lumago ito sa mga susunod na mga buwan. Binanggit pa niya ang posibilidad na mas malaking pondo ang maipahihiram ng kanyang kabiyak, sa susunod na dalawang taon.
Samantala, kung sa San Pedro ang mga purok president ang mga co-maker at nag-identify ng mga magiging recipient ng programa, sa Brgy. Tagumpay, ang mga nag-identify ay ang mga opisyales ng asosasyon na sila rin namang co-maker ng lahat nilang mga inirekumenda habang ang kapitan naman sa mga residente ng barangay.
Discussion about this post