Sinimulan na ng Mynt Inc., parent company ng grupong nasa likod ng GCash, ang public offering nito noong Oktubre 6 sa halagang ₱6.60 bawat share at magtatatagal hanggang Oktubre 12 para sa planong initial public offering (IPO) nito sa Philippine Stock Exchange (PSE).
Ayon sa kumpanya, nakakuha ito ng malakas na demand mula sa mga global at domestic institutional investor matapos ang bookbuilding process.
Sa naturang presyo, aabot sa tinatayang ₱53 bilyon ang gross offer size mula sa 8,027,409,600 common shares. Maaari itong umabot sa ₱60.9 bilyon kapag ganap na naisagawa ang overallotment option para sa karagdagang shares, na posibleng maging pinakamalaking IPO sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sinabi ni Mynt Chief Finance Officer Evelyn Ng na nagpapakita ng kumpiyansa ng mga investor sa paglago ng kumpanya ang matinding demand para sa IPO. Layunin din umano ng Mynt na mapanatili ang makabuluhang partisipasyon ng mga Filipino investor habang naghahanda itong maging publicly listed company.
Inaasahang magsisimula ang Trading Participants at Retail Offer sa Oktubre 6 at magsasara sa Oktubre 12, 2026, habang target namang mailista ang shares sa PSE sa ilalim ng ticker na “GCASH” sa Oktubre 20. Gayunman, nakadepende pa rin ang iskedyul sa mga pag-apruba ng Securities and Exchange Commission (SEC), PSE, at iba pang kondisyon ng merkado.