Muling isasagawa ngayong darating na Sabado, Marso 25 ang taunang aktibidad sa bansa – ang Earth Hour. Ipinakita ng pamahalaang panlungsod ang lubos na pagsuporta sa aktibidad sa pangunguna ni Mayor Lucilo Rodriguez Bayron.
Nitong lunes sa flag raising ceremony, mismong si Mayor Bayron ang humimok sa lahat ng empleyado na paghandaan at suportahan ang sabayang pagpatay ng ilaw sa loob ng isang oras. Nagbaba rin ng Memorandum Circular No. 6 na pirmado ni City Administrator Atty. Arnel Pedrosa patungkol dito na naglalayong ikampanya ang paglaban sa nararanasang global warming.
“Suportahan natin itong Earth Hour at sabay-sabay muna tayong magpatay ng kuryente sa darating na Sabado ng gabi para na rin sa pakikibaka natin para mapangalagaan ang ating kalikasan… ang ating mundo sa nararanasang global warming’, pahayag ni Mayor Bayron sa isinagawang flag raising ceremony.
Inaasahan na lahat ng establisyemento, mga residente at iba pa ay panandaliang ibibigay ang oras sa pagpatay muna ng kuryente mula sa alas otso y media hanggang alas nuebe y media nang gabi. Binigyan lamang ng ‘exemption’ ang mga naghahatid ng mga kinakailangang serbisyo gaya ng ospital at iba pang nagkakaloob ng emergency response.
Nagsimula ang Earth Hour noong 2007 na pinangunahan ng World Wildlife Fund o WWF para magkaisa ang bawat tao sa buong mundo at maging matatag sa pagnanais na labanan ang climate change.
Discussion about this post