Marilag. Isang salitang Filipino na ang ibig sabihin ay maganda, marikit o kaibig-ibig. Ito rin ay naging titulo ng isang sikat na kanta ng mahusay na mangaawit at kompositor na si Timothy Dionela o mas kilala sa tawag na “Dionela”. Ito ay isang awit na tila kahit saang sulok ng Pilipinas ay batid na batid itong kantahin. Sakabilang banda, naging katanungan rin ba saiyo kung ano ang kahulugan ng salitang marilag noong una mo itong narinig? Isa lamang yan sa mga malalim na wikang Filipino na hindi alam ng nakararami.
Ano nga ba ang kahalagahan ng may sariling wika ang isang bansa? Ang pagkakaroon nito ay mahalaga upang mapalakas ang pagkakaisa, pagkakakilanlan, at komunikasyon sa isang bansang may napakaraming wika, dayalekto at kultura tulad ng Pilipinas. Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng Saligang Batas ng 1987: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pasalig sa umiiral na mga wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.”. Ibig sabihin, mayroon tayong tungkulin bilang mga Pilipino na hindi lamang matutunan ang ating pambansang wika bagkus ay panatilihing buhay ang wikang Filipino at maipasa sa mga susunod na henerasyon at salinlahi.
Hindi ito nangangahulugan na ipagsasawalang bahala na ang wikang Ingles kung saan ito ang ginagamit na midyum o tagapamagitan sa larangan ng edukasyon o sa kung ano pang transakyon. Nilalayon lamang ng ating batas na kilalanin at mahalin ang wikang taglay ng ating bayan. Sapagkat sa panahong ito, napakaraming kabataan na ang hirap sa pag-intindi ng wikang Filipino, na para bang sinakop na rin ang kanilang kaisipan ng mga banyagang lengguwahe. Wala namang masama kung mas marami ang alam nating wika, ngunit responsibilidad rin natin bilang mga Pilipino na turuan ang mga bagong sibol na Kabataang Pinoy kung ano ang kahalagahan ng ating wika sa pamamagitan man ng musika, panitikan, o sining.
Kaya bilang Pilipino, nagagalak ako na marinig ang mga musikang tulad ng likha ni Dionela. Sa ganitong pamamaraan, mas naiimpluwensyahan ang mga nakikinig, higit na ang mga kabataan na tuklasin pa ang ibat’ ibang maririlag na wikang Filipino sapagkat ito ay isa sa yaman ng ating kultura. Maliyagang Buwan ng Wika! Nawa’y ito ay patuloy na pagyabungin at pagyamanin. Hiraya Manawari!