Hiniling ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Mimaropa kay DENR Secretary Roy Cimatu na ma-libre o maihiwalay sa umiiral na moratorium o ang pagtitigil ng pagpapa-titulo ng mga lupain ang sampung munisipyo sa Palawan at ang lahat ng government sites.
Ito ang inihayag ni Johnny Lilang, hepe ng Technical Services Division ng DENR-Palawan Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa question and answer hour ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan kamakailan.
Ayon kay Lilang, ang mga munisipyo sa Palawan na kanilang inirekomendang ma-exempt sa moratorium ay pito lamang sa orihinal na listahan ngunit nadagdagan ito ng tatlo pa kaya umabot ng sampu. Ang mga ito ay ang mga bayan ng Cagayancillo, Dumaran, Araceli, Busuanga, Taytay, Rizal, Roxas at ang nadagdag ay ang mga bayan ng Brooke’s Point, Sofronio Española at Balabac. Gayundin ang lahat ng ‘government sites’ sa buong lalawigan dahil special patent lamang umano ito pabor sa gobyerno.
Dagdag pa ni Lilang, dahil sa nahihirapang magdesisyon ang kanilang central office sa isyung ito kaya napagpasyahan ng DENR-Palawan na sila na mismo ang mamili ng mga munisipyo na irerekomenda ng kanilang regional office para sa kahilingang exemption sa nasabing moratorium.
“May process of elimination ‘yan mula doon sa hindi masyadong problematic na municipality hanggang doon sa sinasabi nila na maraming question,” pahayag ni Lilang kaugnay sa pagkakapili ng mga nabanggit na munisipyo na ma-exempt sa moratorium.
Umaasa si Lilang na kapag na-aprubahan ang kahilingan ito ay susunod na rin ang iba pang munisipyo.
“Kapag ito ay mai-release na nila o nailabas na sa moratorium, others will follow syempre,” sabi pa ni Lilang.
Matatandaan na noong May 28, 2015 ay magpalabas ng kautusan si dating DENR Sec. Ramon Paje para moratorium ng land titling at land survey sa Palawan dahil sa isyu ng land-grabbing sa lungsod ng Puerto Princesa. (OCJ/PIA-Mimaropa, Palawan)
Discussion about this post