Sa loob ng isang buwan ay libreng magagamit ng daan-daang mga residente ng Sitio Green Island sa Brgy. Tumarbong, Roxas ang kauna-unahang Reverse Osmosis Desalination System project ng Lalawigan ng Palawan.
Ayon kay Engr. Ann Michelle Cardenas, head ng Water Infrastructure Office sa ilalim ng Tanggapan ng Gobernador ng Pamahalaang Panlalawigan, makatitipid ang mga residente roon dahil wala munang bayad ang patubig mula sa pasilidad. Dumating ang Reverse Osmosis (RO) machine sa nasabing isla noong nakaraang buwan.
Aniya, nagsimula ang pamamahagi ng libreng patubig nang maisagawa ang commissioning at testing sa Reverse Osmosis machine noong nakaraang linggo upang magamit ng publiko ngayong tag-init bago ang pormal na pagpapasinaya na maaaring isagawa sa huling linggo ng Mayo o sa Hunyo.
Ayon sa opisyal, sa ngayon ay walang limitasyon sa dami ng pwedeng iigibing tubig sa mga gripong inilagay sa iba’t ibang zone ng Green Island.
“May binilinan ako roong tao sabi ko sa kanya ‘Ate, ikaw muna na muna ang bahalang mamigay doon ng libre [tubig].’ Noong naandoon ako [sa isla], namigay ako ng 5,000 liters. Tapos bibigyan ko na naman uli sila ng another 5,000 [liters sa mga susunod na araw],” ani Engr. Cardenas.
“Ang water station na ‘yon, sampu ‘yon na kinalat namin sa Green Island, inilapit namin sa mga bahay-bahay. Anytime, ‘pag may load sila, makado-draw sila ng water [mula] roon,”dagdag pa niya.
Ang nasabing proyekto na pinondohan ng P12 milyon kasama na ang machine, gusali, mga water pipelines at iba pa ay isa lamang sa mga component ng Roxas Water Supply Project na siyam na mga water system. Sa bilang na nabanggit, ang Nicanor Zabala Water System umano ang pinakamalaking water system sa Bayan ng Roxas na nagbibigay ngayon ng patubig sa halos buong munisipyo.
“Ito po ‘yong Green Island, ia-underwater pipeline sana natin ‘yan [gaya sa ibang isla sa Bayan ng Roxas] kaso sobrang layo kaya ang sabi namin, hindi practical kaya nag-RO na lang kami. Ginawan talaga namin ‘yan ng paraan kahit gaano kahirap kasi alam namin na maraming tao roon,” ayon pa sa pinuno ng Water Infrastructure Office.
Sa kasalukuyang presyo, naglalaro sa P50-P60 ang presyo ng isang container ng mineral water kapag bibilhin sa mga tindahan sa isla at P10-P20 kung ito ay ulan, o mula sa ilog o sa water system sa mainland ng Roxas. Kapag nagsimula naman ang proyekto, P25 lamang ang babayaran ng mga mamamayan sa kada container.
“Tapos ang plano kasi namin dito how to sustain the project, pababayaran namin sa kanila upon start sa operation. Kasi parang prepaid water system ito. Magsi-send lang ng load sa retailers natin doon na naka-assign sa Green Island mismo para doon na rin sila bibili ng load. And then, bibigyan din sila ng key card na bibilhin din nila at a minimum cost lang din naman—‘yon ang papa-load-an nila every time na mangangailangan sila ng water,” paliwanag niya.
Ani Engr. Cardenas, ang retailer ang magpapa-bulk load sa Water Works Office sa poblacion sa mainland Roxas “para ma-manage din natin ng maayos at walang mawalang pera para rito.” Sa kanya naman magpapa-load ang mga residente na kung magpapa-load ng P100 ay maaari na silang makabibili ng apat na container gamit ang kanilang key card.
KAHILINGANG IBABA PA ANG PRESYO
Lubos naman ang kasiyahan ng mga residente roon sa proyektong patubig na matagal na rin nilang inasam-asam na mabuksan na, bagamat sa mga naunang panayam ng Palawan Daily News sa ilang mamamayan at sa kasalukuyan, nanawagan silang sana’y abot-kaya rin ang presyo nito.
“Sobrang saya [namin nang mabuksan na ito] kaya lang nang nalaman kong pumapatak sa P25 per container pala ang rate ng tubig, parang nabawasan ng kaunti ‘yong excitement ko kasi medyo mabigat pa rin sa bulsa. Kahit sana, P10-P15 per container na lang mas okey na ‘yon, total naman galing lang din dito sa dagat ang tubig baka naman mababaan pa rin nila ‘yong price,” ayon sa isang residente at elementary teacher ng Green Island na si Lably Medrina.
LAGAY NG ACCESS SA PATUBIG SA PALAWAN
“Almost 70 percent of the population in Roxas and in Palawan in general ay walang access sa potable water supply. Itong Roxas Water Supply Project, ito ‘yong solusyon sa matagal nang problema ng mga Palawenyong taga-Roxas. Alam naman ninyo na ‘yong Roxas, every tag-init, nawawalan sila ng tubig,” aniya.
Kaya ayon sa engineer, ang water supply system projects ng Pamahalaang Panlalawigan ay tulong sa mga mamamayan upang magkaroon sila ng access sa isa sa mga basic right ng mga tao, lalo pa’t “Hindi mabubuhay ang mga tao kung walang tubig.”
Discussion about this post