Kinumpirma ng kapitan ng Brgy. Tumarbong na isasailalim sa local lockdown ang dalawa sa anim nilang purok matapos na nagpositibo sa COVID-19 ang isa sa dati nilang LSI.
Ayon kay Kapt. Dante P. delos Reyes, ang nasabing mga lugar na isasailalim sa lockdown simula mamayang hatinggabi ay ang Purok 1 at Purok 4 na parehong nasa mainland Tumarbong.
Aniya, ang nagpositibong indibidwal ay isang lalaking dating Locally Stranded Individual (LSI) na dumating sa Lalawigan ng Palawan noong unang linggo ng Hulyo at sumailalim sa quarantine sa Medicare Hospital ng Bayan ng Roxas at nakalabas naman sa pasilidad noong Hulyo 24.
Ayon naman kay Roxas Municipal Health Officer, Dr. Leo Salvino, negatibo sa nakahahawang sakit ang naturang indibidwal base sa isinagawa nilang initial test noong siya ay nasa pasilidad pa lamang.
“One month na siya mahigit sa Tumarbong, five weeks na actually, bago nag-develop ng symptoms…. Lumuwas siya, [at] doon na [nalamang positibo siya sa COVID-19 pagdating sa] Maynila,” ani Dr. Salvino.
Matapos mabatid ng mga kinauukulan ang nasabing impormasyon ay agad silang nagsagawa ng contact tracing at pagsasailalim sa rapid test sa mga taong naka-direct contact ng nasabing dating LSI. Sa paunang datus, sa mahigit 20 katao na nasailalim sa Rapid Test ay nagpositibo umano ang dalawang anak ng pasyente, ang nakalaro niya sa basketbol at ang dalawa pa, bagamat dadalhin pa sa ONP ang nakuhang specimen sa kanila upang makumpirma.
Napasama ang Purok 1 sa localized lockdown dahil doon ang bahay ng nasabing LSI at ang Purok 4 naman dahil nabisita rin niya ang kanyang mga biyenan doon at nakainuman ang bilas.
Ngunit nilinaw ng mga kinauukulaan na hindi rin buong purok ang isasara. Sa Purok 1, ang kasama lamang ay ilang kabahayan at sa basketball court habang sa Purok 4 ay ang daan patungong simbahan at ang mga kabahayang malapit dito at ang mga kabahayan ng kanyang mga kamag-anak.
Sa gitna ng hamon, tiniyak ng pamunuan ng barangay na bibigyan ng ayuda ang mga apektadong pamilya gaya ng bigas, vitamis at iba pang pangangailangan.
Nakatakda na ring i-regulate ang paglabag at pagpasok ng mga tao sa Brgy. Tumarbong bilang bahagi ng pag-iingat, bagamat dalawang purok lamang ang pansamantalang isasara.
Susundin din ng barangay ang curfew hour ng munisipyo na mula 8 pm hanggang 5 am kaysa sa barangay ordinance na 9 pm- 5am.
TAGAL NG LOCKDOWN
Inaasahang tatagal ng isang linggo ang lockdown, base sa paunang pag-uusap ng barangay, MHO at ng iba pang miyembro ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF).
“Kung walang mag-positive doon sa swab, siguro baka hanggang doon lang. Hanggang ngayon kasi, kino-contact trace pa namin,” ang pahayag ni Kapt. Delos Reyes.
CONTRACT TRACING
Sa nagdaang mga contact tracing ay nasa 40 na umano ang nasa kanilang listahan ngunit kalahati pa lamang ang na-rapid test. Inaasahang aakyat pa umano ang nasabing bilang sa pagpapatuloy na pagsasagawa nito sa kada purok ng binuong contact tracing team ng lokal na pamahalaan.
Kahapon ay isinailalim na rin sa swab test ang mga anak ng LSI na naunang nagpositibo sa rapid test, kasama ang kanyang kabiyak bagamat negatibo rito; at ang dalawa pang indibidwal habang may naka-iskedyul na rin umano para sa araw ng bukas.
Ngayong araw naman ay inilipat na sa barangay quarantine facility ang huling dalawang indibidwal na nagpositibo sa rapid test dahil sa pahirapan umano sa mga tauhan ng barangay ang layo ng kanilang mga tinitirhan.
Kaugnay nito ay hiniling ni Kapt. de los Reyes sa kanyang mga nasasakupan ang kanilang kooperasyon sa mga ipinatutupad na hakbang na bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19.
“Ang kalaban natin ay hindi natin nakikita, kaya kanya-kanyang ingat na lang sa mga sarili natin at sumunod tayo sa mga protocol at kautusan ng gobyerno—walang lalabag kung anuman po ang mga ipinatutupad na batas, kailangan nating sundin para lahat tayo ay makaiiwas sa COVID-19 na ito,” aniya.
Discussion about this post