Inaasahang bago matapos ang buwan ng Abril ay itatayo na ng NIA-Palawan ang libreng solar powered irrigation project para sa Samahang Magpapatubig ng Katiringan at Libtong, Inc. sa Brgy. Iraan, Rizal, Palawan.
Ang P4 milyong halagang Iraan Ground Water Pump Irrigation Project ay ang pangalawa sa solar pump na itatayo ng NIA sa Lalawigan ng Palawan matapos ang matagumpay na pagpapatayo ng kauna-unahang solar pump sa Brgy. Isumbo, Española, Palawan noong nakaraang taon.
Ang nasabing proyekto ay inaasahang makapagpatubig sa walong (8) ektaryang sakahan at mayroong apat (4) na magsasakang makikinabang na sakop ng Brgy. Puntabaja, Rizal, Palawan.
Ang area nito ay karugtong ng kasalukuyang Iraan Communal Irrigation System (CIS) kung kayat napagpasyahan na ang operasyon at maintenance nito ay gagampanan na rin ng Samahang Magpapatubig ng Katiringan at Libtong, Inc.
Ang pagpapatayo ng proyekto ay isa umanong alternatibong paraan ng NIA upang makapagpatubig sa kanayunang lugar na kaakibat sa layunin ng NIA na paramihin ang pagpapatupad ng makabagong teknolohiya na nagmumula sa enerhiya ng araw na mapapakinabangan sa mahabang panahon.
Ayon naman sa Presidente ng Samahang Magpapatubig ng Katiringan at Libtong, Inc.na si Albino Apostol Jr., mapalad ang kanilang asosasyon na nabigyan ng sunod-sunod sa proyekto simula 2019 sa kabila ng pamdemya.
Matatandaang noong ika-14 ng Abril ngayong taon ay nagsagawa na ang NIA Palawan IMO ng pre-construction meeting sa samahan ng magpapatubig sa Bgy. Iraan.
Ayon naman kay NIA Palawan IMO Division Manager Conrado V. Cardenas Jr., tatagal ng 15 years ang solar irrigation na ipapatayo dahil sa de-kalidad umano ang ilalagay na submersible pump na maaaring makapagpatubig hanggang 25 hektaryang lupain sa hinaharap.
Discussion about this post