Naisumite na ng DILG-Puerto Princesa ang kahilingan ng City IATF sa Regional IATF on the Management of Emerging Infectious Disease (RIATF) para sa panibagong travel suspension sa mga papasok sa lungsod mula sa NCR plus bubble na may mataas ngayong kaso ng COVID-19.
“Na-transmit na po agad-agad no’ng na-receive po namin (Abril 20) around 1 pm po,” pagkukumpirma ni City DILG Director Eufracio “Bobb” Forones sa pamamagitan ng text message.
‘Di lamang umano matiyak ng opisyal kung maaaprubahan ito o hindi o kung ang lahat ba ng kahilingan ay maaaprubahan o ang ilang bahagi lamang.
Sa liham na pirmado ni City Administrator Arnel Pedrosa na may petsang Abril 20, nakasaad na inendorso nito ang City IATF Resolution No. 37, s. 2021 na may petsang Abril 19 para sa kahilingan na muling suspendihin ang mga biyahe papasok ng Puerto Princesa sa loob ng 14 araw mula nang mapayagan ng RIATF.
Tinuran din ng City Administrator na bagamat nauunawaan ng siyudad na dapat i-exempt ang National Government APORs at ROFs mula sa anumang travel ban, iginiit niyang sa kasalukuyang sitwasyon ng Puerto Princesa, lubhang kailangan na pati sila ay i-isolate din sa quarantine facility sa loob ng 10 araw simula nang sila ay dumating sa lungsod. Ito umano ay upang mapigilan sa “pag-collapse” ng healthcare system ng siyudad.
“APORs constitute a great majority of the travelers to our City and data shows that they contributed significantly to the current surge and local outbreak of COVID-19,” ang laman pa ng liham ni Pedrosa kay RIATF Chairman at DILG Regional Director Wilhelm Suyko.
Batay sa Resolution No. 33 ng local IATF, 19 umano sa 23 COVID-19 active cases ng isyudad ay mula sa mga APOR.
Tinuran din ng mga kinauukulan na nagsimula ang outbreak sa Puerto Princesa nang pinayagan ng pamahalaang nasyunal ang mga national government APORs ng “unimpeded travel” na nakasaad sa National IATF Resolution No. 98-A na may petsang Pebrero 4, 2021 at pag-aalis pa ng quarantine restrictions sa kanila ng pupuntahang LGU, sa ilalim naman ng National IATF Resolution No. 101 na may petsang Pebrero 26, 2021.
Kabilang din sa mga dahilan ng local IATF na nakasaad sa Resolution No. 37, s. 2021 ay umabot na sa “critical level” ang health care utilization rate ng Puerto Princesa.
Noong Abril 13, iniulat ng lungsod na 402 sa 495 beds sa mga COVID-19 quarantine at isolation facilities ay ginagamit na. At nitong Abril 19, umabot na sa 440 ang ginagamit na isolation beds.
Sa kasalukuyang sitwasyon, ipinatutupad ng siyudad ang iba’t ibang hakbang upang masugpo ang paglobo ng kaso ng COVID-19 gaya ng pagpapatupad ng curfew at liquor ban, pagbabawal ng mga pagtitipon-tipon, pagbabawas sa onsite workforce sa lahat ng mga establisiyimento sa publiko man o pribado, pagpapatupad ng age-based restrictions movement, pagdagdag sa visibility ng mga COVID Marshal, active case finding at pinalakas na disease surveillance sa pamamagitan ng massive antigen testing.
Ibinahagi rin ng local IATF na pinaghahandaan na rin ngayon ng lungsod na magkaroon ng dagdag na quarantine facilities at pag-hire ng mga dagdag na frontliners, kabilang na ang mga health care workers. At upang mapalawak pa ang testing capacity ng Puerto Princesa, sa kasalukuyan ay nakumpleto na rin umano ng lungsod ang konstruksyon ng RT-PCR Molecular Diagnostic Laboratory at nasa proseso na ng accreditation.
Kabilang din sa kanilang ibinahaging mga hakbang ay ang pagpapatupad ng localized lockdown sa limang barangay na ngayon ay nasa ilalim ng ECQ, at pagpasa ng Resolution No. 36 na humihiling sa National IATF na iakyat ang risk classification ng lungsod mula sa MGCQ sa GCQ.
Samantala, kapag naaprubahan, hindi naman sakop dito ang movement of cargo, medical emergencies, mga biyahe na mino-monitor ng Pamahalaang Panlalawigan, basta’t ang tungo nila ay sa mga munisipyo ng Palawan at hindi sa lungsod; at ang mga essential travels mula NCR, ang mga national APORs at ROF ngunit kailangan lamang na sumailalim sila sa quarantine ng 10 araw.
Discussion about this post