“Nakakalungkot po yan kasi hindi natin alam kung makakalabas pa sila ng buhay sa ating quarantine facilities,”
Ito ang inamin ni Dr. Dean Palanca, Incident Management Team (IMT) Commander kaugnay sa sitwasyon ng COVID facility
at ospital sa Lungsod ng Puerto Princesa dahil sa patuloy na pagdami ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
“Isa sa naging problema po natin ngayon maliban sa puno ang ating mga capacity ng quarantine facility, puno na yung COVID facility — Skylight. Isipin mo nas 200 yan, eh ang capacity ng ating skylight hotel ay almost 40 plus lang yun, ibig sabihin yung 200 na yan ay nandito sa ating mga quarantine facility.”
Ibinahagi rin ni Dr. Palanca ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga nagpositibo sa COVID-19 na kung saan may ilan sa mga ito ang bumababa ang oxygen level sa katawan na posibleng magdulot ng kamatayan.
“Marami po diyan ang bumabagsak ang oxygen level nila, yan ay isa sa complication ng COVID, kailangan mo magbigay ng oxygen pero depende pa rin sa katawan nila kung papasok ang oxygen. Marami po kaming ganyan mga kababayan sa Puerto Princesa lalong lalo na yung mga nasa 40s, 50s at nasa 60s ang ganyan ang sitwasyon ngayon.”
Nalulungkot ang IMT Commander, dahil sa sitwasyon na ito ay posibleng dumami pa ang bawian ng buhay dahil sa sitwasyon ng pasilidad at patuloy na pagtaas ng kaso nito sa lungsod.
“Marami pang mga tao ang maaaring masawi sa mga susunod na linggo sa mga things na nangyayaring ganito sa atin, gusto natin silang tulungan and yet may mga things na hanggang dito lang (limitado) ang maitutulong. May ospital po tayo pero marami po kaming pasyente ang hindi basta-basta matanggap, kahit nasa kritikal na sila kasi puno na ang mga ospital natin para sa pagtanggap ng mga critical at serious po na mga pasyente na may COVID.”
Nilinaw din nito na kahit mayroong mga isolation facility at ventilators subalit ito umano ay hindi talaga sasapat.
“Mayroon nga tayong Ospital ng Palawan, nandiyan ang ating isolation, may dalawang isolation facility po yan pero almost puno po yan sa mga pasyente. May 3 ventilators diyan pero ginagamit din po yan,”
Dahil dito, target ng IMT na dagdagan ang ‘quarantine facilities’ at mga health workers na magbabantay sa mga pasyente.
“I-try po naming na magdadag ng quarantine facilities para yung iba pong mga dumadagdag pa na ngayon ay nagpa-positive ay mailagay natin sa tamang lugar at ma-quarantine at mabantayan. Magdadagdag din po tayo ng ating mga healthcare workers para maalagaan po sila,”
Muli ipinaalala nito ang pagsunod ng mga mamamayan sa ipinapatupad na minimum health standards upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga positibo sa virus.
Discussion about this post