Nananawagan ngayon sa publiko ang isang netizen na agad na ipagbigay-alam sa kanila kung alam ang kinaroroonan ng ninakaw na tatlong kalabaw na pagmamay-ari ng kanyang mga magulang at mga kakilala sa Bayan ng Narra.
Sa post ni Jonalyn Tabucalde sa kanyang social media account, ikinuwento niya ang naganap na insidente ng pagnanakaw ng kalabaw, kalakip ang mga larawang nagpapakita ng bakas ng kanilang kalabaw na pilit umanong pinasakay sa trak.
“[Ipagbigay-alam po sana sa amin ng] kung sino pong nakaaalam o makapagtuturo ng tatlong kalabaw na ninakaw [na] kinarga sa truck, 4 am [kahapon], sa tulay ng Palu-palo, Brgy. Burirao, [Narra]. Pagmamay-ari [po ang mga iyon] nina Jose Tabucalde at Jun Cogonon. ‘Yon lang [ang] tangi nilang yaman, ninakaw pa!” ang caption ng post ni Tabucalde.
Makikita sa mga larawang ipinaskil ni Tabucalde sa kanyang timeline sa Facebook ang stockpile na ginagamit para sa road widening na ginamit umano ng mga suspek bilang hagdanan para pasakayin ang nasabing mga hayop sa sasakyan, mga putol na mga pamalo at ang bakas ng mga gulong ng trak.
Dahil dito, umaapela rin siya sa mga kinauukulan na ipahinto muna ang pagluluwas ng mga kalabaw sa labas ng Palawan dahil kapag nailuwas na umano ang mga iyon sa labas ng Palawan, batid nilang suntok sa buwan na mababawi pa nila ang mga ito.
“Ang gusto lang din sana naming mangyari, ay kung may makatulong sa amin ay mapa-hold namin ang pagpapalabas ng kalabaw ngayon kasi maraming kalabaw ang nawawala,” ani Tabucalde sa hiwalay na phone interview ng Palawan Daily News team.
Ang ikinatatakot pa umano nito ay idiretso ng mga suspek ang mga kalabaw sa Bayan ng Roxas kaya nais umano nila na masabihan din ang mga namimili roon.
“Ang [mga alagang] hayop [natin] ay parang anak mo na rin ‘yan. ‘Yong [kalabaw ng aking mga magulang ang] buntot niya ay lampas sa tuhod at ‘yong sungay niya ay buka—babae po ‘yon, walong taong gulang,” ani Tabucalde at idinagdag na ito na ang ikalawang beses na nanakawan ng kalabaw ang kanyang mga magulang.
DI NAHANAP SA BAYAN NG NARRA
Ayon pa kay Tabucalde, ngayong araw ay inikot na nila ang buong Bayan ng Narra upang mahanap ang kalabaw ng kanyang mga magulang hanggang makaabot ng Aborlan. Naiparating na rin umano nila ito sa mga police station ng Narra at Aborlan.
“Na-check na rin namin ‘yung mga rancho sa Narra na binabagsakan nila, wala rin po. Hindi lang po namin nakita ‘yong [mga rancho rito] sa Plaridel, [Aborlan], kasi na-meet na rin namin ‘yong ibang mga kamag-anak namin dito, nangako na rin na sila na lang ‘yong magtse-check sa rancho na ‘yon,” ani Tabucalde.
Aniya, labis na ikinalungkot ng kanyang mga magulang ang naganap na pagnakaw sa alaga nilang hayop.
“Nakaaawa [ang mga biktima]; ang [isa sa mga] may-ari no’ n, ‘yong tatay ko, PWD na, senior pa, pati nanay ko, kaya nagpupursige kami na maibalik ‘yong kalabaw nila kasi ‘yon na lang ‘yong yaman nila. Di nga nila ‘yon binenta para ipanggamot sa sarili nila—nagtiis sila ng sakit, tapos nanalangkawin lang!?”
Aniya, nagkakahalaga ng P30,000 ang alagang walong taong gulang na kalabaw ng kanyang mga magulang at halos ganoon din ang halaga ng iba pang ninakaw na hayop.
“Ang insidente na ito, nangyari, kung alam n’yo ‘yong may pakurbadang bago ka makarating ng Abo-abo. ‘Yong [may-ari] ng bahay diyan, narinig niya raw po na kinakarga sa truck ‘yong kalabaw. Hindi niya lang pinuntahan kasi gabi, natakot siya, baka may [dala silang] mga improvised gun, mabaril siya,” kwento pa niya.
Aniya, nakita rin nila ang bakas ng kanilang kalabaw, galing sa kanilang farm. Iniakyat umaano roon, saka itinawid sa ilog.
“Ang nagnakaw, [may hinuha kaming] tagaamin kasi bakit alam niya ang farm namin at kabisadong-kabisado niya kung saan idadaan [ang nanakawing kalabaw]? Ganoon din po ang nangyari sa mga kabarangay namin… na [kahit] malapit sa highway ang basakan, tinawid pa roon sa likod, sa malayo at hindi idinaan sa highway. [Doon], nakaabang na ‘yong truck nila,” aniya.
Matagal tagal na rin umano ang mga naunang nakawan sa kanilang lugar na nasa isang taon na. Tila nagpahinga lamang umano ang mga kawatan at bumalik na naman sa kanilang modus operandi.
“Sana maawa naman ng kumuha [ng kalabaw namin!] Di naman alam ng ahente no’n na ninakaw ‘yon, sana ibalik nila [sa amin] at sana, makonsiyensiya naman ‘yong nagnakaw at ‘wag n’ya nang ulitin,” panawagan pa niya.
Discussion about this post