Anim na indibidwal ang inaresto ng mga pulis noong Biyernes Santo sa Brgy. San Miguel, Roxas, Palawan dahil sa pagsasagawa ng iligal na sabong.
Sa impormasyong ibinahagi ng hepe ng Roxas Municipal Police Station (MPS) na si PMaj. Erwin Carandang, nakasaad na dakong 12:20 ng tanghali noong Abril 2 nang nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nagsasabing may nagaganap noong tupada sa nasabing lugar.
Nadakip sa operasyon sina Roy Nicanor Aga, Randy Egelos Juarez, Henry Bañes Ortiz, Loreto Dangan de Vera, at Efren Rabino Munda, mga residente ng Bayan ng Roxas at ang isang 66 taong gulang na si Manuel Katon Cabanag na residente naman ng Purok Matahimik sa Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City.
Nakuha mula sa mga suspek ang 10 pirasong tari, walong buhay na manok-panabong, P2,300 cash, at 20 motorsiklo na nasa kustodiya ngayon ng concerned barangay. Nakuha rin sa lugar ng tupada ang mahigit 100 tsinelas buhat sa mga tumakas na indibidwal.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No.1602 o ang Illegal Gambling law.
Discussion about this post