Sa kadahilanang marami pa rin ang naninibago sa bagong classification system ng Kagawaran ng kalusugan (DOH) sa pagklasipika ng mga kaso ng COVID-19, sa “Pakimanan Ta si Gob” kamakailan na bahagi ng lingguhang online press briefing ng PIO-Palawan, ipinaliwanag ni Provincial Health Officer Mary Ann Navarro ang bawat terminolohiya at ang kahalagahan nito.
Gaya ng mga naunang paliwanag sa publiko ng DOH, ani Dra. Navarro, hindi na kasama sa klasipikasyon ngayon ang “Person Under Monitoring (PUM)” o mga taong may travel history ngunit walang ipinakikitang sintomas kaya isinasailalim sa ilang araw na monitoring. Ang PUM ay nakapaglakbay sa ibang bansa o sa lugar saanman sa Pilipinas na may ulat na nagpositibo sa COVID-19 ngunit walang sakit at kapag may karamdaman naman ay itinuturing noong Person Under Investiagtion (PUI).
Sa ngayon, ang bagong klasipikasyon ng DOH para sa COVID-19 cases ay “Hindi COVID-19 na kaso” na dati ay “Hindi PUM at hindi PUI,” “Hindi kasama sa Klasipikasyon” o ang dating “PUM,” “suspect,” “probable” at confirmed.”
Nilinaw ni Navarro na ang PUI sa ngayon ay dalawa na lamang—suspect at probable.
SUSPECT CASE
Sa ibinahaging info-graphics ng Health Department, pwede nang makonsiderang kabilang sa “suspect case” kung ang isang pasyente ay may influenza-like illness at may lagnat na 38 degree Celsius at may kasamang ubo o pananakit ng lalamunan. Kabilang din ang isa sa mga sumusunod: naglakbay o nanirahan sa isang lugar na may ulat na local transmission ng sakit na COVID-19 sa loob ng 14 araw bago ang nagsimula ang mga sintomas o di kaya’y nagkaroon ng close contact sa isang taong kompirmado ng nagkaroon ng COVID-19 o sa isang “probable patient” sa loob ng 14 araw bago ang nagsimula ang mga sintomas.
Pwede ring mapasama sa nasabing klasipikasyon kapag may lagnat, may ubo o hirap sa paghinga ganoondin, kasama ang kahit isa sa mga sumusunod: taong may edad 60 pataas, mayroong iba pang sakit, maselan sa pagbubuntis at isang health worker.
Magiging isang suspect patient na rin ang isang tao kapag “nagkaroon ng biglaang karamdaman sa baga na malubhang sintomas na hindi matuloy ang kadahilanan at kinakailangang maospital.”
PROBABLE CASE
Aakyat naman ang klasipikasyon ng isang pasyente mula sa “suspect” sa “probable” kapag “Hindi tiyak ang resulta ng test,” “Ginawa ang test sa hindi opisyal na laboratory na gumagawa ng RT-CPR test,” at “Hindi nagawa ang testing sa anumang kadahilanan.”
CONFIRMED CASE
Kapag nagpositibo naman sa COVID-19 ang resulta ng ginawang RT-CPR test sa isang probable patient ay tatawagin na itong “confirmed case.”
“Ngayon po, kino-consider pa rin minsan ang travel history pero…para ma-increase ang surveillance natin, kinonsidera na po lahat ng severe acute respiratory infections, tsaka influenza-like illness na kasama po sa suspect and probable para po maprotektahan din natin ang mga health workers natin. Para po ‘pag mag-examine sila ng mga tao, mga taong may ubo, sipon, lagnat, nakapa-proper protective equipment po [sila] para po maprotektahan din ang health nila kasi po ang kalaban natin ngayon, hindi natin makita. Virus kasi iyon na napakaliit kaya kailangang maging careful po tayo,”paliwanag ni PHO Navarro.
Discussion about this post