Ikinabigla ng mga residente ng Brgy. Bucana, El Nido, Palawan nang may makitang palutang-lutang na bangkay sa bahagi ng hanging bridge ng Bucana River.
Sa sketch report ukol sa nakitang bangkay na ibinahagi ng acting chief of police ng El Nido Municipal Police Station na si PMaj. Salvador Tabi, kinilala ang biktima na si Joseph Mosqueda Dorado, 42 taong gulang, biyudo, mangingisda at residente ng nabanggit ding lugar.
Batay sa impormasyon mula sa El Nido MPS, dakong 5:30 ng hapon ngayong araw nang makatanggap sila ng isang tawag sa telepono mula sa isang Felix Parrenas Sr. na nag-iimporma sa kanila na may natagpuang palutang-lutang na katawan ng tao sa Bucana River na agad ding tinungo ng mga otoridad upang i-verify ang ulat at magsagawa ng imbestigasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas umanong huling nakita ang biktima dakong 10 ng umaga noong ika-26 ng Setyembre at natagpuan na lamang na wala ng buhay at palulutang-lutang sa nabanggit na ilog bandang 2 ng hapon ngayong araw, Setyembre 28..
Habang sinusulat ang balitang ito ay nakatakdang dalhin sa Solivio Funeral Homes ang bangkay ng biktima para sa autopsy o post-mortem examination.
Discussion about this post