Matapos isagawa ang groundbreaking ceremony kamakailan ay magkakaroon na ng ‘district hospital’ ang Bayan ng Balabac na matatagpuan sa Bgy. Catagupan.
Magkatuwang na ipapatayo ng Department of Health (DOH) at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ang nasabing ospital. Tinatayang nasa P100 milyon ang kabuuhang pondo nito.
Pagkatapos ng groundbreaking ay sisimulan agad ang Phase 1 ng Balabac District Hospital na nilaanan ng pondong P7.8 milyon para sa structural element ng gusali tulad ng beam, column at footing.
Personal na tinungo ni DOH Assistant Secretary Maria Francia Laxamana ang Balabac upang pangunahan ang groundbreaking ceremony kasama si DOH-Mimaropa Regional Director Mario Baquilod.
Katuwang ni DOH Asec Laxamana sa groundbreaking ceremony sina Engr. Saylito Purisima, hepe ng Infrastructure Unit ng Pamahalaang Panlalawigan, Engr. Romeo Ong ng Municipal Engineering Office at Lorna Gapilango ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng bayan ng Balabac.
Ang pagbibigay ng tatlong ektaryang lupain na pagtatayuan ng nasabing ospital ang naging kabahagi naman ng pamahalaang lokal ng Bayan ng Balabac.
Inaasahan naman na matatapos ang konstruksyon ng Balabac District Hospital sa susunod na taon na magpapagaan sa gastusin ng mga pasyente sa nasabing bayan.
Ang Balabac ang nag-iisang islang munisipyo sa Southern Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Discussion about this post