“Kung batas lang ang pag-uusapan, nandiyan na ‘yan. May mga umiiral na tayong batas—matagal na itong nagawa noon pa. Ang kailangan na lang natin ay pagandahin at palakasin ang implementasyon.”
Ito ang sambit ni Board Member Juan Anton Alvarez sa isang panayam nito sa mga lokal na media matapos ang Oath taking Ceremony noong Lunes, Hunyo 30, na ginanap sa Citystate Asturias Hotel, Puerto Princesa City.
Naniniwala umano siya na hindi na kailangan pang gumawa ng bagong batas upang matugunan ang mga pangunahing suliranin sa lalawigan. Sa halip, dapat umanong ituon ang pansin sa maayos at tapat na implementasyon ng mga umiiral na programa at batas.
Binanggit din niya na bago pa man naitayo ang ilang ospital sa lalawigan, ay may mga patakaran at ordinansa ng umiiral na sumasaklaw sa mga ito. Ngunit aniya, nananatiling hamon ang tamang pagpapatupad ng mga ito upang tunay na maramdaman ng mga mamamayan ang serbisyo ng pamahalaan.
“Hindi na natin kailangang lumikha pa ng bagong mga ordinansa o patakaran, dahil nauna pa ngang nagawa ang mga batas na ‘yan bago pa man nasimulan ang mga ospital,” saad ni Alvarez sa panayam sa media.
PAGTUTOK SA KALUSUGAN AT EDUKASYON
Ibinahagi rin ni BM Alvarez ang kanyang pananaw hinggil sa mga pangunahing sektor tulad ng kalusugan at edukasyon.
Ayon sa kanya, magandang simula ang mensahe at plano ni Gobernador Amy Alvarez, lalo na ang intensyong palakasin ang serbisyong pangkalusugan sa mga barangay.
“Madami pang pwedeng gawin sa health, sa edukasyon natin, at kung ano-ano pa. Para sa akin, magandang simula yung mensahe at ang gustong gawin ng ating gobernador,” dagdag niya.
Isa sa mga hakbang na tinutukan ay ang direktang paghahatid ng gamot sa mga barangay, partikular para sa mga senior citizens. Sa kasalukuyang sistema, mga ospital lamang ang karaniwang tumatanggap ng mga gamot mula sa pamahalaan. Ngunit layunin ng bagong administrasyon na dalhin ang serbisyong ito mismo sa mga komunidad.
“Una sa lahat, ilalapit natin sa kanila ang pamahalaan. Medyo nauuhaw na sila sa serbisyo ng ating pamahalaang panlalawigan… Uunahin natin na maramdaman talaga ng taumbayan ang serbisyo ng ating pamahalaan,” paliwanag niya.
BAGUHIN ANG ANTAS AT SERBISYO NG NASA LAYLAYAN
Nanawagan rin si Alvarez na ngayong may malinaw na direksyon ang pamahalaang panlalawigan, ay dapat itong maging daan upang mabago ang karanasan ng mga nasa laylayan—ang mga komunidad na matagal nang tila nakakalimutan.
“Dapat this time, mabago yung antas ng mga nasa laylayan,” wika niya.
Para kay Alvarez, ang tunay na sukatan ng mabuting pamamahala ay hindi lamang sa dami ng batas na naipasa, kung hindi sa kung paano ito naipatutupad para sa kapakinabangan ng lahat, lalo na ng mga pinaka-nangangailangan.
“Kaya ang tunay na kailangan natin ngayon ay maayos, malinaw, at tapat na pagpapatupad.” saad pa niya














