Para magtiwala ang mga mamamayan sa bakuna, handa umano si Attorney Mary Jean Feliciano, Alkalde ng Brooke’s Point na magpabakuna kontra COVID-19 gamit ang Coronavac o mas kilala bilang Sinovac na mula sa bansang China. Tiwala daw kasi siya sa pag-aaral na ginawa ng Food and Drugs Administration (FDA).
“Willing po ako magpabakuna [kontra COVID-19]. Marami na po ang nagpabakuna at okay naman po sila. Okay lang po [kahit Coronavac] kasi alam naman natin na dumaan naman po ‘yan sa pag-aaral at hindi naman po aaprubahan ‘yan ng ating FDA kung hindi po ‘yan safe at kung hindi ‘yan epektibo [ay] hindi naman ‘yan nila tatanggapin dito [sa Pilipinas].”
Aniya alam nito na kailangan pa rin sumunod sa mga health and safety protocols dahil maaari pa rin magkaroon o mahawaan ng virus kahit nabakunahan.
“Alam ko kahit na mabakunahan ako ay puwedeng mahawaan pa rin ako [ng COVID-19 at] alam ko po yung posibilidad na ‘yun kaya [kailangang] mag-ingat pa rin. At saka, alam ko po parang second priority kami [dahil] una muna ‘yung mga healthworkers.”
Ang Bayan ng Brooke’s Point ay isa sa mga munisipyo sa lalawigan ng Palawan na naghihintay ng libreng bakuna kontra COVID-19 mula sa Pamahalaang Nasyunal ngunit kung kinakailangan ay handa umanong bumili ang Lokal na Pamahalaan dahil mayroon naman umano silang pondo.
“Hihintayin pa rin naming yung libre mula sa National [Government] pero mayroon din kaming pondo dito para naman sa mga frontliners. Kung may ibibigay naman ang National eh ‘di hintayin na lamang po namin’ yun.”
Dagdag pa ng alkade, kulang pa ang mga bakunang natanggap ng Pilipinas at kailangan pa rin maghintay kaya’t gayun din ang gagawin ng kanilang bayan.
“Anyway, hanggang ngayon naman [ay] kulang pa rin naman kahit na mag-order ka ngayon ay wala pa rin namang nade-deliver ‘diba? Kaya hihintayin pa rin kung kailan darating ‘yung bakuna.”
Samantala, base sa Palawan Emergency Operations Center (EOC) SitRep Bulletin No. 238, 20 ang kabuuang kaso ng COVID-19 na naitala sa Brooke’s Point at wala nang aktibong kaso.
Discussion about this post