Patuloy na nagpapaalaala ang Coast Guard District Palawan (CGDP) sa mga mangingisda na bagama’t hindi ipinagbabawal ang pangingisda sa panahon ng community quarantine ngunit hindi ito dahilan upang pasukin ang iligal na mga paraan gaya ng paggamit ng superlights.
Ayon kay PCG Puerto Princesa Station Commander at PCG Spokesperson Severino Destura, bagamat nakatutok ang CGDP stations sa pagtulong na masugpo ang COVID-19 pandemic bilang kabilang sa water cluster ay nariyan din ang enforcement team para manghuli sa anumang paglabag sa karagatan. Sa katunayan umano ay may mga naihain silang mga kaso sa korte bunsod ng mga iligal na pangingisda sa lalawigan.
Kamakailan ay may nadakip na apat na mga lightboat na may lulang 40 tripolante ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard Cuyo dahil sa paggamit ng superlights, partikular sa bisinidad ng karagatan na 4.2 nautical mile lamang ang layo sa Brgy. Lubic Island sa Bayan ng Cuyo. Kadalasan umano, kapag mahina ang hanging Amihan at Habagat ay sa parting iyon ng munisipyo, sa West Cuyo Pass, paborito ng mga mangingisda na mangisda gamit ang nasabing equipment.
Ani Destura, agad na kumilos ang kanilang hanay nang makatanggap ng tip ukol sa nasabing iligal na pangingisda noong Mayo 3 at kanila namang nadakip kinabukasan.
“Ngayon po, sa pakikipag-ugnayan namin sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, mayroon po tayong kapabilidad na ma-locate po ‘yung presence po ng mga gumagamit ng superlights. Mayroon po tayong technology na satellite-based ‘yun ang binabasehan namin ng mga operation natin,” aniya.
Ani Commander Destura, paglabag sa Municipal Ordinance Nos. 2016-1564 at 2015-1520 ng Munisipyo ng Cuyo ang hinarap ng mga naaresto at pinagbayad ng P130,000 multa para sa administrative liabilities.
Makikita sa section 98 ng RA 10654 o ang inamiyendang Philippine Fisheries Code of 1998 (RA 8550) na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng superlights o magic lights at ng fishing light attractor sa mga municipal water at mga baybayin ng isang munisipyo at binibigyang kapangyarihan ang kada LGU sa pagbibigay ng aksyon ukol dito. Sa ilalim ng amended law, maaaring patawan ng P20,000 multa ang sinumang lumabag sa kada superlights o fishing light attractor na ginamit, pagkumpiska sa nahuli nilang mga isda, sa superlights o fishing light attractor na ginamit at sa iba pang mga kagamitang ginamit bagamat kung ang offender ay municipal fisherman ay maaaring ipataw sa kanya ay community service na lamang kapalit sa multa. Kapag umabot naman ang kaso sa korte ay maaaring mapatawan ng P40,000 ang sinumang lumabag sa kada superlights o fishing light attractor na ginamit, pagkakulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon, pagkumpiska sa nahuling mga isda at kabilang na ang lahat ng mga kagamitang ginamit at sa muli, kapag taga-munisipyo ang offender ay maaaring community service ang ipataw sa kanya bilang kapalit ng multa at pagkakulong.
Dagdag pa ni Commander Destura, hindi kailanman mapapayagan ang paggamit ng superlights sapagkat sa paggamit nito, maliban umano sa mga isdang nasa tamang laki na ay hindi rin maiwasang maengganyo na pumunta sa liwanag, kung saan ang-aabang ang malaking lambat, ang mga maliliit pang isda na kapag nagpatuloy ay tiyak na magiging banta sa fish resources sa karagatan.
“Ayaw po naming masira po ‘yung mga pinagkukunan natin ng mga yamang-dagat,” giit ni Commander Destura.
Discussion about this post