Binigyang-diin ni Commodore Jay Tristan Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea (WPS), ang kahalagahan ng “transparency efforts” ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon kaugnay ng tunay na sitwasyon sa WPS.
Ayon kay Tarriela, layunin ng hakbang na ito na sinimulan noong nakaraang administrasyon na higit na mamulat ang mga Pilipino sa kasalukuyang estado ng pinag-aagawang teritoryo ng bansa, gayundin ang maipakita sa international community ang mga nagaganap sa nasabing karagatan.
“We have decided to be more transparent so that more Filipinos will becoming more aware on what is happening in West Philippine Sea which is for me, what the government should know,” ani Tarriela sa isang press conference nitong Pebrero 23 sa City State Asturias, Puerto Princesa.
Dagdag pa niya, mahalaga rin umano na maunawaan ng international community na may isang bansa (People’s Republic of China) ang patuloy na lumalabag sa international law.
“For the international community also to understand that there’s this one country, this part of the world, who violates international law and that is the People’s Republic of China.”
Sinabi rin ni Tarriela na dahil sa kakayahan ng China sa pagpapalaganap ng propaganda at maling impormasyon tungkol sa isyu sa WPS, nararapat lamang na tumbasan ito ng factual narrative na may kalakip na ebidensya.
“Kasi laging magaling ang China sa propaganda, magaling sila sa misinformation…But we are equipped with factual narrative at lagi tayong may resibo, mayro’n tayong photos, mayro’n tayong videos to show the world that it is China that violating the international community.”
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na hindi kailanman ipinangako ng pamahalaan na ang transparency efforts ang magiging “silver bullet” upang sumunod ang China sa mga alituntunin sa international law, lalo na ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
“We never promise that the transparency effort of the Philippine government will be a silver bullet to make China fall in line,” paliwanag niya.
Ayon pa sa kanya, ang tamang pagbabahagi ng impormasyon ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na dumarami ang mga bansang nagpapahayag ng suporta sa posisyon ng Pilipinas hinggil sa isyu sa West Philippine Sea.














