Inakusahan ng pagiging sinungaling ni suspended Narra Mayor Gerandy Danao si acting-mayor Crispin Lumba Jr. sa pagsalang nito sa witness stand ng ginawang committee hearing ng Sangguniang Panlalawigan sa mga kaso nito ngayong araw, Agosto 26.
Ito ay sa kadahilanang alam raw di umano ni Lumba na si incumbent Board Member Ferdinand “Inan” Zaballa ang siyang tunay na nagmamay-ari ng Narra Korando Cockpit na nakatirik sa Barangay Malinao, Narra, Palawan at hindi umano si Randy Arimado na siya namang nagpapatakbo lamang ng nasabing sabungan.
“Vice huwag tayong magtaguan ha. Kilalang-kilala mo ang may-ari ng sabungan dahil ang totoong may-ari nito si Board Member Inan Zaballa,” ani Danao.
“Huwag nating sabihing hindi ka pamilyar sa nagpapa-sabong sa Narra. Ang tagal-tagal mo ng kagawad. Ang tagal mong vice-mayor kilala mo kung sinong may-ari ng sabongan. Huwag ganoon. ‘Yung totoo lang ang sasabihin natin. Sinungaling ka,” dagdag ni Danao.
Ito ay naging pahayag ni Danao nang siya ay tanungin ng abogado nitong si Regidor Tulale kung sino ang may-ari ng nasabing sabungan sa Malinao kung saan di umano ay nag-isyu rin ng isang special permit si Danao upang maglunsad ng pasabong sa barangay.
Sinabi rin ni Danao na si Lumba umano ang siyang nagsabi sakanya na maari itong mag-issue ng special permit sa mga pasabong at sabongan noong kauupo pa lamang nito bilang alkalde ng bayan.
“Bago ako pumirma ng pasabong, ‘yung kauna-unahang pasabong sa barangay, kinausap ko’ yan si vice. At ang sabi niya sa akin, puwedeng mag-isyu ng permit ng pasbaong sa barangay dahil nandito naman ‘yan sa ordinansa,” ani Danao.
Samantala, sa panig naman ng Sangguniang Bayan ng Narra, itinanong ng abugado ng mga ito na si Atty. CJ Cojamco kung naiintindihan ba ni Danao ang mga kasong kanyang kinahaharap gayundin ang tinatawag na Local Government Code.
Sinagot naman ito ng buong tapat ni Danao at inaming hindi ito “maalam” kung papaano ang pamamalakad ng isang lokal na pamahalaan.
“Ang totoo po, sinasabi ko naman sa lahat tuwing ako ay magsasalita na hindi ako maalam. Hindi ako magaling at hindi sagad ang aking kaalaman sa pagpapatakbo ng pamahalaan kaya nga sana hinihiling ko na tulongan ako,” ani Danao.
Inulit muli ito ni Danao nang tanungin siya ni Cojamco kung nabasa ba nito ang nilalaman ng Local Government Code.
“Hindi nga po ako maalam kagaya ng sinabi ko sayo. Kahit basahin ko ‘yan lahat, kung hindi ko naman kayang intindihin, wala ring mangyayari,” ani Danao.
Sa isyu naman ng pagbigay ni Danao ng mayor’s permit sa New Antipuluan Cockpit, tinanong ni Cojamco kung kakilala ba ng alkalde ang nagmamay-ari ng bagong sabongan na napag-alamang si Allander Santos, at inamin naman ng alkalde na ito ay kanyang kababata at siya ring kapatid ng dati nitong administrator na si Dionyseus Santos.
Sinabi rin ni Danao na kaya lang naman daw niya binigyan ng mayor’s permit si Santos ay dahil akala nito ay maayos na ang aplikasyon nito dahil dumaan na umano ang papel nito sa Municipal Treasury Office bago pa man makarating sakanyang opisina.
“Hindi ko alam na siya ay hindi pa dumaan ng SB pero ang inisip ko na puwede ko siyang pirmahan kasi tinanggap na ng treasury ang bayad,” ani Danao.
Magpapatuloy ang pagdinig sa Sangguniang Panlalawigan at inaasahang magtatapos ito sa susunod na buwan.
Discussion about this post