Ibinahagi ni Provincial Director Engr. Virgo Pinangay ng Department of Information and Communications Technology (DICT)–Palawan na tuloy-tuloy umano ang isinasagawang renewal ng mga kontrata para sa Free WiFi hotspot sa mga tourist spot sa Puerto Princesa at iba’t ibang munisipyo sa Palawan.
Ayon kay Pinangay, may mahigit 230 active sites sa lungsod at buong lalawigan. Bukod dito, mayroon ding mga site na nagtapos na ang kontrata at nakatakdang i-renew ngayong taon.
“Currently, ang existing natin na active na under the free WiFi program dito sa Puerto Princesa at sa buong Palawan ay nasa 230 active sites. Ngayon, aside for that, aside from the 230 na active sites, mayroon po tayong mga inactive — ‘yung mga nagtapos na contract for subscription,” pahayag ng opisyal sa ginanap na “Kapihan sa SM” noong Pebrero 9.
“Mayroon tayong for implementation ulit this year, ‘yung iba doon contract renewal and yung iba naman sir is bagong additional sites for Puerto Princesa and the province of Palawan,” dagdag niya pa.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ang Free WiFi Program ay nakalaan lamang sa mga itinalagang lugar sa lungsod at mga munisipyo, kabilang na sa mga tourist spot.
“’Yung free wifi program po natin sir is mayroon lang talagang specific or designated area na doon lang din siya maa-access. Mostly, of course, yung mga public places po natin.”
Samantala, target umano na ma-renew ang lahat ng kontrata ngayong first quarter ng taong kasalukuyan.














