Hindi hinihikayat ng Department of the Interior and Local Goverment (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na gawing parking area kahit ang isang bahagi lamang ng kalsada.
Ito ay pagtupad sa inilabas na memorandum 121 ng ahensya na nag-aatas sa mga LGU na tanggalin ang mga nakaharang sa kalsada at side walk katulad ng mga sasakyang ginawang parking area ang kalsada.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Florida Dijan, ang kalsada ay ginawa paraan ng mga sasakyan.
“Dinidiscourage natin ‘yan kasi basically ang kalsada ginawa para daan ng mga sasakyan kaya kung papayagan natin gawing parking ang side nasira na naman ang purpose kung bakit ginawa ang kalsada,” giit pa ni Dijan.
Sinabi pa ni Dijan na dapat ang isang lokal na pamahalaan ang mag-isip ng paraan kung paano masulusyunan ang mga sasakyang nakaharang sa mga kalsada dahil sila ang nakakakita nito.
Inihalimbawa niya rin ang ang Valenzuela City na gumawa ng isang ordinansa na humihikayat at nagbibigay insentibo sa mga may-ari ng lupang nakatiwangwang na gawing pay parking.
Aniya, maaaring gumawa rin ng kahalintulad na ordinansa ang isang LGU tulad dito sa Lalawigan ng Palawan.
Matatandaang kamakailan ay nagpasa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa na humihiling kay Mayor Lucilo Bayron na pag-aralang gumawa ng sulusyon tulad ng one side parking matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga motorista lalong-lalo na sa mga doktor at mga residenteng nagdadala ng pasyente sa Ospital ng Palawan dahil sa kawalan ng parking area.
Dahil dito ay napipilitang silang magparada ng sasakyan sa kalsada pero lagi ring hinuhuli ng mga taga-City Traffic Management Office.
Sa naging resulta ng road-clearing validation noon, 70 ang naging iskor ng Syudad na katumbas ng “low compliance.”
Magkagayunman, ikinatuwa naman ni Dijan na may ginagawa naman ang mga lider ng Lungsod para masunod ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang huling State of the Nation Address(SONA).
Binanggit niya rin sa kaniyang pagbisita sa Syudad na ngayong Nobyembre ay magpapalabas na isang kautusan ang DILG para linawin ang memorandum order 121 dahil tuloy-tuloy aniya ang pagtanggal sa mga nakaharang sa kalsada maging ang road clearing validation. Dito sa Palawan dalawang munisipyo ang nakakuha ng “failed” sa compliance partikular na ang mga Bayan ng Dumaran at Aborlan kaya inaasahan niyang natanggap na nito ang “show cause order” para magpaliwanag.
Discussion about this post