Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakatutok ngayon ang ahensiya sa mga entry at exit points ng Palawan na posibleng daanan ng mga ipinupuslit na biktima ng trafficking in persons (TIP).
Ayon kay Ernie Jarabejo, regional field coordinator ng Listahanan ng DSWD-Mimaropa, mahigpit nilang binabantayan maging ang mga tourist destination sa lalawigan na punterya ng human trafficking. Sa kasalukuyang taon, nakapagtala ng 15 naisalbang kababaihan na tangkang ibyahe patungo sa ibang lugar ang DSWD na pawang mga taga-ibang probinsiya na idinaan lamang sa Palawan.
Sinabi ni Eric Aborot, team leader ng Social Welfare and Development (SWAD) sa lalawigan sa media consultation na isinagawa ng kagawaran, ang mga ito ay naisalba sa magkakaibang panahon. Mayroon ding 52 na mga kababaihang mga taga Palawan na biktima ng TIP na naisalba mula taong 2015 at hanggang sa kasalukuyan ay sumasailalim programa ng DSWD.
“From 2015, until now, may 52 cases tayo na patuloy nating minomonitor, patuloy na tumatanggap ng educational, livelihood at psychosocial interventions mula sa DSWD, mga taga-Palawan ito, karamihan sa kanila ay galing sa northern part,” pahayag ni Aborot. Binigyang diin pa ni Aborot na pinaiigting din ng mga awtoridad ang kanilang adbokasiya laban sa human trafficking sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ugnayan sa mga komunidad.
“Pinalalakas po natin ang ating adbokasiya, sa pamamagitan na rin ng impormasyong ipinararating ng komunidad at maagap na aksiyon ng mga kasamahan natin sa provincial government at iba pa nating partner agencies, naaaksiyunan kaagad ang mga ganitong kaso,” dagdag pa ng opisyal. Samantala, blangko naman ang talaan ng DSWD Mimaropa sa kaso ng online sex exploitation (OSE) o child pornography, gayunpaman, patuloy ani ng opisyal ang kanilang pagmamanman sa gawaing ito. (AJA/PDN)
Discussion about this post