Pinagkalooban ng P25,000.00 bawat isa ang 13 mga rebeldeng nagbalik-loob sa gobyerno para makasimula magbagong-buhay sa isinagawang Local Social Integration Program (LSIP) for Former Rebels Awarding Ceremony na ginanap noong, Hulyo 19, 2022 sa VJR Hall ng kapitolyo.
Ang tulong pinansyal ay personal na ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ni Gob. V. Dennis M. Socrates katuwang sina PSWDO Abigail D. Ablaña at Lt. Col. Salvador D. Tabi ng Palawan Provincial Police Office.
Ayon kay PSWDO Ablaña, maliban sa financial assistance ay ibabahagi rin sa mga ito ang iba pang mga serbisyo mula sa mga katuwang na ahensiya na makatutulong sa tuluyang pagbabagong buhay ng mga rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan.
“Maaari nilang gamitin ang kanilang natanggap bilang panimula sa negosyo, sa pagpapaayos ng tahanan at kung ano pa ang kanilang naisin. Katuwang natin dito ang TESDA para sa mga pagsasanay at mayroon din tayong housing assistance, medical, PhilHealth Insurance at counselling services,” pahayag ni Albaña.
Sa naging mensahe ni Gob. Socrates, binigyang diin nito ang kahalagahan ng buhay ng bawat isa na maaaring masayang dahil sa maling ideolohiya.
“Malaking panlilinlang ang sinasabi nilang pagsusulong nang pagkakapantay-pantay dahil mayroon tayong iba’t ibang batayan ng ating kailangan at kaligayahan, ang dapat nating isipin ay katarungan upang maibigay ang mga nararapat para sa ating buhay at sa lipunan,” mensahe ni Gob. Socrates.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga dating rebelde sa tulong ng gobyerno at sa muling pagtanggap sa kanila na maging bahagi ng lipunan.
“Gusto na nating mabuhay ng payapa, nagpapasalamat tayo at magtulungan para sa wakas ay matapos na ang kaguluhan,” bahagi ng tugon ni Justine Kate Raca isa sa benepisyaryo ng LSIP.
Ang tagumpay na ito ay magkasamang pinagtulungan ng bawat miyembro na kumakatawan sa Palawan Task Force Ending Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC).
Ang LSIP ng Pamahalaang Panlalawigan na pinangangasiwaan ng PSWDO ay naisakatuparan noong taong 2013 at sa ngayon ay mayroon ng 193 beneficiaries na napagkalooban ng halagang P25,000.00 na tulong pinansiyal bawat isa.
Discussion about this post