YUMAO na ang kinikilalang haligi ng musika at kulturang Cuyuno na si Fe Tria-Fernandez noong ika-12 ng Nobyembre sa edad na 90.
Kinumpirma ng mga kaanak na pumanaw siya dakong ika-6:30 ng umaga kasabay ng paghiling ng panalangin sa yumao nilang mahal sa buhay.
Ayon sa post sa social media ng isa sa kanyang mga apo na si Karl Legazpi, sumunod na ang pinakamamahal nilang lola sa namayapa niyang kabiyak na si Jose Torres Fernandez, Jr. sa kabilang buhay matapos ang matagumpay nilang pagiging magkatuwang sa napakaraming academic at professional activities at maging sa trabaho. Ilang awitin din ang magkasama nilang nilikha.
Si Gng. Fernandez na isinilang noong ika-20 ng Setyembre, 1929 ay isang tunay na anak ng Bayan ng Cuyo. Noong nabubuhay pa, masugid siyang nangunguna sa pagpreserba sa wikang Cuyono, ng indigenous culture ng Palawan, gayundin sa pangangalaga ng flora and fauna ng lalawigan at may nailimbag ng mga aklat kaugnay dito.
Kung isalarawan ng pamilya at mga kaanak, siya ay simbolo ng tagumpay dahil sa kanyang pakikibaka sa hamon ng buhay gaya ng hindi naging hadlang ang pagiging ulila niya ng dalawang pagkakataon sa murang gulang pa lamang at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kabila ng mga pagsubok, nanatili siyang namuhay ng may kababaang-loob at ng may pagmamahal, napanatili ang pag-abot sa mga pangarap at ibinuhos ang panahon at ang kanyang oras sa musika at sa pagbibigay-serbisyo sa lalawigan ng Palawan.
At maliban sa pagiging kompositor, isa ring educator, historian, at anthropologist si Fernandez.
Naglingkod din siya noon sa Department of Education, Culture and Sports (DECS) sa abot ng kanyang kakayanan sa buong panahon niya sa gobyerno at ginamit iyon upang kilalanin pa ang kultura ng kanyang lalawigan na kanyang idinokumento at pinalaganap.
Kaugnay nito, dalawang resolusyon ang agad na inaprubahan sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan na iminungkahi ni Board Member Eduardo Modesto “Jay” Rodriguez. Una ay upang ipaabot sa mga naulila ang pakikiramay ng Junta Probinsyal at ng Pamahalaang Panlalawigan habang ang ikalawa ay upang kilalanin ang kanyang mga gawa sa pamamagitan ng posthumous award.
Sa sponsorial speech, binanggit pa ni BM Rodriguez na kabilang din sa mga gawa ni Fernandez ay ang Cuyo Balitaw, Puerto Princesa Mabuhay, Martsa Cuyo, at Palawan State University (PSU) Hymn. Ang petsa naman ng kanyang kamatayan ay kasabay din ng pagdiriwang ng University Day ng PSU noong Nobyembre 12.
Di rin umano matatawaran ang kanyang mga nagawa pagdating sa pananaliksik ukol sa “Ploning,” isang Cuyono folk song na kalaunan ay naging isang kilalang pelikula na ang naging direktor ay isa ring Palawenyo.
“As we all know that she’s been known to be the icon in instilling the Cuyunon culture. And we can cite various publications among others which is the ‘Chronology of Events in the Palawan History’ [of which] she is one of the authors and the other is the ‘Translacion’ or ‘Translation’ of Basic English phrases to Cuyunon. And as we all know, she is also one of the composers of the Palawan March,” dagdag pa ng bokal.
Discussion about this post