Kinumpirma ni Jomel Ordas, tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) – Palawan na halos 100 porsiyento nang naibibigay ang kabayaran sa mga guro sa Palawan at lungsod ng Puerto Princesa na nagsilbi sa katatapos na halalang pang-nasyunal at lokal.
Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA), sinabi niyang lahat ng mga opisina ng Comelec sa mga munisipyo sa lalawigan ay nakapagbigay na ng honorarium sa mga guro at opisyal ng Department of Education (DepEd), maliban na lamang sa iilang guro sa Puerto Princesa na hindi pa nakakakuha sapagkat abala pa ang mga ito sa mga pagsasanay ng kagawaran.
“Ang buong Palawan, 100% na, may iilan lang dito sa Puerto Princesa na nasa 98% pa lang dahil iyong ibang poll workers, nasa training pa yata,” tinuran ni Ordas.
Aniya, nakahanda naman ang mga election officer para sa pagbibigay ng kanilang sahod sapagkat nand’yan lamang ang salaping nakalaan para sa mga ito.
“Wala nang magiging aberya d’yan kasi nandiyan lang naman ang pera sa mga election Officers, puwede nilang puntahan,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, tatanggap ng PhP6,000 ang umupong chairman ng electoral board, habang PhP5,000 naman ang sa mga miyembro nito.
Ang mga DepEd supervisor official (DESO) ay tumanggap ng sahod na PhP4,000, habang tig-PhP2,000 naman sa mga support staff at technical support staff na may karagdagan pang PhP1,000 bilang communication allowance.
Samantala, ngayon ang huling araw sa pagbibigay ng sweldo sa lahat ng mga gurong manggagawa noong halalan. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)
Discussion about this post