Nakabinbin na sa opisina ng Sangguniang Panlalawigan ang kopya ng isang resolusyong pagkakaso na inihain ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra noong Martes, ika-19 ng Mayo hinggil sa pagbigay ni Mayor Gerandy Danao ng special permit sa bagong sabungang nakatirik sa Barangay Anitpuluan ng nasabing munisipyo.
Sa kopya na nakalap ng Palawan Daily, nakalahad sa nasabing resolusyon na si Danao ay nagpakita ng “grave misconduct” at di-umano’y iba’t-ibang klase ng paglabag sa Presidential Decree No. 448 at 449 o ang Cockfighting Law of the Philippines.
Ayon pa din sa nasabing dokumento, si Danao umano ay nag-issue ng permit sa mga barangay at mga kapitan noong nagdaang Founding Anniversary ng bayan bagaman ito ay lingid sa kaalaman ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Si Danao rin ay sinasabing nag-issue ng permit kay Alander Santos, itinuturong may-ari ng bagong sabungan na itinayo kamakailan lamang sa Barangay Antipuluan ng nasabing bayan.
Ayon parin sa resolusyon, si Santos ay hindi nag-secure sa opisina ng Sangguniang Bayan ng anumang lisensiya at permit sa pagpapatayo at pamamalakad ng kanyang sabungan.
Samantala, sa inisyal na panayam ng Palawan Daily kay Dionyseus Santos ngayong araw, tumatayong Municipal Administrator ng bayan at spokesperson ni Danao, sinabi nito na mahina ang ebidensiya ng SB sa pag-file ng kasong administratibo.
“Ngayon kung gusto kumita ng mayor siyempre income generating, nasa discretion niya kung gusto niya magbigay ng special permit pending sa SB na wala namang plano mag-concur,” ani ni Santos.
“Napakahina ng kaso nila,” dagdag niya.
Napag-alaman naman ng Palawan Daily na si Dionyseus Santos ay kapatid ni Alander Santos, na siyang may-ari ng bagong sabungan.
Nakatakda namang maglunsad ng isang press conference ang kampo ni Mayor Danao bukas, Mayo 27, upang magbigay ng opisyal na statement hinggil sa issue.
Samantala, kasalukuyan pa ring nakikipag-ugnayan ang Palawan Daily sa opisina ng Sangguniang Panlalawigan para sa iba pang detalye.
Discussion about this post