Umaasa ngayon ang pamunuan ng Bayan ng Cuyo na hindi na tataas ang bilang ng mga nagpositibo sa Coronavirus disease virus-2019 (COVID-19) sa kanilang munisipyo.
“Tingin namin, nakuha na namin ‘yong peak talaga, naayos na namin, kaya hintayin na lang namin ang pagbaba ng [mga] nagpositibo [sa COVID-19],” pahayag ni Cuyo Mayor Mark delos Reyes sa pamamagitan ng isang phone interview.
“Sana, magtuloy-tuloy na rin na maayos na at diri-diretso na [sa paggaling] ‘yong mga positibo namin. Hindi na tatagal ‘to, awa ng Diyos, magse-zero case na rin kami,” dagdag pa niya.
Ani Mayor delos Reyes, sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang resulta ng pinakahuling limang swab sample na kanilang ipinadala sa barko noong nakaraang araw at ngayon ay hawak na ng Ospital ng Palawan (ONP). Ang resulta umano nito, na kung saan tatlo rito ay mula sa mga frontliner, ay posibleng lumabas mamayang gabi o bukas.
“Wala na [kaming iko-contact trace]. Sila na po ang last, [pero] depende po kung may magpa-positive sa kanila, doon na naman po [kami] magsisimula….Sa ngayon, medyo nag-okey-okey na rin [dito] kasi wala na rin pong nadagdag na local case,” ayon pa sa Alkalde ng Bayan ng Cuyo.
Sa kasalukuyan, sa 97 umanong confirmed case sa Cuyo ay 58 na lamang ang mga aktibong kaso.
Ayon pa kay Mayor delos Reyes, nakatakdang magpulong ang Municipal Inter-Agency Task Force ng Cuyo sa Oktubre 26 at isa sa mga pag-uusapan ay ang extension ng lockdown ng Brgy. Cabigsing. Sa suhestyon ng kanilang RHU ay karagdagang 14 pang araw ang lockdown ngunit kakausapin umano ng Punong Bayan kung maaari na pitong araw na lamang.
“[Sa extension ng lockdown], medyo [magiging] maluwag na [ang mga [panuntunan] pero ‘yong mga taga-Cabigsing, hindi makalalabas ng barangay nila pero open na po ‘yong lahat do’n [bagamat] hanggang sa kanilang barangay lang sila pwedeng mag-ikot-ikot,” ang paglilinaw ng Alkalde.
Matatandaang sa Brgy. Cabigsing na may tinatayang 606 pamilya ang may naitalang pinakamaraming kaso ng COVID-19 na isa sa dahilan ng mabilis na paglaganap ng sakit ay ang dikit-dikit na mga kabahayan. Hinihinalang nagmula ang pagkahawa sa COVID-19 sa isang nanggaling sa Iloilo.
Sa kabilang dako, sa mga nagnanais namang magbigay ng tulong ay maaaring kontakin ang kanilang mga kakilala sa Pamahalaang Bayan ng Cuyo o maaari ring kontakin ang Messenger ng lokal na pamahalaan ng Cuyo na “Estra Viva Cuyo.”
Sa kabila ng mga naganap, tiniyak ng lokal na pamahalaan na walang dapat ikabahala ang kanilang mga mamamayan pagdating sa pagkain at kanilang mga pangunahing pangangailangan sapagkat tuloy-tuloy ang byahe ng barko sa kanilang munisipyo.
“Magtulungan na lang [sana tayong lahat], sumunod na lang sa mga protocol na ipinatutupad ng munisipyo saka ng RHU. Lahat naman ‘to na ginagawa ng munisipyo at saka ng RHU ay para sa kapakanan ng nakararami. Alam naming mahirap pero kailangan para sa safety ng lahat,” ang pakiusap pa ni Mayor delos Reyes sa kanyang mga nasasakupan.
Discussion about this post