Timbog sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad kamakailan ang isang 40 anyos na magsasaka dahil sa pagbebenta ng pekeng gold bars sa isa ring magsasaka.
Kinilala ang suspek na si Narcido Soco Menca, isang katutubong Palaw’an, may asawa, at residente ng Sitio Tulapos, Brgy. Bunog, Rizal, Palawan habang ang biktima ay si Ricky Ramirez Absalon, 49 taong gulang, at residente ng Brgy. Taradungan, Roxas, Palawan.
Base sa spot report mula sa Palawan Police Provincial Office (PPO), iniulat ng biktima sa Quezon MPS dakong 5 pm noong Agosto 3 ang hinggil sa pre-arranged transaction nila ng suspek.
Ayon sa kanya, naranasan na niyang maloko ng grupo noon kaya minabuti na niyang isumbong ito sa pulisya.
Idinagdag pa ng biktima na ginawa niya ang pre-arranged transaction sa grupo ng suspek na ilegal na nagbebenta ng mga gold bar. Ibinulgar din niyang may mga kasamahan ang suspek na sina a.k.a Sarip Batang; Jolman Silagan aka Inco; a.k.a Puso; Saly Loden; Walin lañam at Tata Baelyo, mga pawang residente ng mga Munisipyo Quezon at Rizal.
Kaya bandang 8:30 pm noong Agosto 3, 2020 ay ikinasa ang entrapment operation ng joint personnel ng Quezon MPS, PNP Maritime Group SBU Quezon at RSCG MIMAROPA laban sa nasabing grupo sa Km. 21, Sitio Ladayon, Brgy. Suwangan, Quezon, Palawan.
Matapos ang palitan ng umano’y mga gold bar at marked money, inanunsiyo ng team at isinagawa ang pag-aresto laban sa suspek na si Menca. Nakumpiska buhat sa kanya ang tatlong mga pekeng ginto na napag-alamang yare lamang sa kahoy, isang pulang Qnet CellPhone at isang itim na plastic toy gun na replika ng cal. 45.
Sa kasalukuyan ay nahaharap ang suspek sa kasong Syndicated Estafa habang patuloy namang tinutugis ng pulisya ang kanyang mga kasamahan.
Discussion about this post