Manipis na supply ng kuryente at mga punong malapit sa poste ang itinurong dahilan ng PALECO sa madalas na pag brownout na nararanasan ng mga residente ng munisipyo.
Sa nagdaang regular session ng Sangguniang Bayan ng Narra kahapon, June 1, ipinatawag nito ang mga representative ng sub-office ng PALECO sa naturang bayan kung saan inamin ng mga ito na nitong nagdaang mga linggo, manipis ang ibinabatong supply ng kuryente ng kanilang mga power provider at ito umano ang nagiging dahilan ng palagiang brownout sa lugar.
“Nitong mga previous week ay nagkakaroon tayo ng manipis na supply ng kuryente dahil ngayon nga ay summer, actually naglo-load shedding ang ating mga power plant,” ani ng PALECO.
Sinabi rin ng mga representative nito na dahil sa manipis na supply ng kuryente, sa ngayon ay kadalasang nagbabawas sila ng supply sa iba’t-ibang barangay sa Narra kagaya ng Barangay Antipuluan, Barangay Panacan, kalahati ng Barangay Malinao maging hanggang sa Barangay Labog.
Nang tanungin kung bakit sa gabi madalas nagkakaroon ng pagkawala ng kuryente, sinabi ng PALECO na isa rin sa mga dahilan nito ang mga punong nakatirik malapit sa kanilang mga poste.
“Usually kung gabi ay nawawalan tayo ng kuryente dahil kung mapapansin natin, sa haba ng ating linya, vegetation ang isa nating problema. Kung paano namin ipapaputol ang mga puno na alam natin na napakikinabangan ng ating mga consumers,” ani ng PALECO.
Ayon pa rin sa PALECO, isa rin sa rason kung bakit madalas sa gabi ay mawalan ng kuryente ay dahilan ay nag-ooverload ang mga makina sa dami ng consumers na gumagamit ng kuryente.
“Minsan kasi pag na overload ang ating makina, automatic ang aming recloser na nagko-closes siya. Actually ‘yan din ang peak hours. From 6:30 PM hanggang 9:00 PM. Kung mapapansin niyo nakabukas ang lahat ng ating TV, electric fan. Usually kapag ganun, nag-ooverload siya,” ani ng PALECO.
Giniit ng PALECO na bagaman mayroong batas na nagsasaad na marapat ay nasa tatlong metro ang layo ng mga itinatanim na puno, nagiging mahirap pa rin sa kanilang parte na ito ay ipatupad sa kabila umano ng pakikipag-ugnayan nila sa mga barangay.
“Actually national na batas ‘yan galing sa ERC na dapat kung magtatanim ay nasa 3 meters away yung layo ng puno na itatanim malapit sa poste. Ang problema dito sa atin, nauna kasing naitayo ang mga puno kesa sa mga linya natin,” ani ng PALECO.
“Nakikipag-ugnayan kami sa mga may-ari kaso ayaw rin nila ipaputol kasi napakikinabangan din nila. Madalas diyan, puno ng niyog at kawayan,” dagdag ng PALECO. Nilinaw rin ng PALECO na hindi sila ang power provider kundi sila lamang ang nagdi-distribute ng kuryente para sa buong lalawigan.
Sa kasalukuyan, ayon sa kanila, ang DMCI, PPGI, at Delta P ang siyang nagsusupply ng enerhiya na siya namang idinidistribute ng PALECO sa probinsiya.
Nagpaumanhin rin ang pamunuan ng PALECO Narra sa palagiang brownout na siya na ring inirereklamo ng mga residente.
Sa huli, hiniling naman ni Konsehal Ernesto Ferrer na paimbestigahan at gumawa ng report ang sub-office Narra kaugnay sa palagiang brownout na nararanasan. “Bakit hindi natin sila ireklamo? Kasi unfair doon sa iba na nagsasakripisyo na sila ang laging nawawalan ng kuryente. Sana gawan na ninyo ng aksiyon ‘yan. Para once and for all matapos na ang problema natin sa supply dito,” ani ni Ferrer.
Discussion about this post