Humarap sa pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan sa Provincial Capitol, nitong Martes, Hulyo 15, 2025, ang mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd) sa Palawan patungkol sa isyung kinahaharap ng ahensya na “item at transfer for sale” kung saan ay hinihingian ng malaking halaga ng salapi ang mga nag-a-apply at gustong magpa-transfer sa pagtuturo.
Sa pahayag ng presidente ng Philippine Elementary School Principals (PESPA) na si Rosalie Montealto ay sinabi nito na wala umano silang alam sa isyung ibinabato sa Kagawaran ng Edukasyon dahil sa mga reklamong natatanggap ng Provincial Office at ng Central Office na kamakailan lang ay naging usap-usapan sa social media.
Ganiyan din ang naging sagot ng presidente ng Public School Teachers Association (PPSTA) na si Renante Tabi nang tanungin ng ilang mga Board Members. Aniya, wala silang natatanggap na pormal na reklamo na may kasamang ebidensya na magpapatunay na totoo ang kalakarang “items for sale” sa nasabing kagawaran.
Dagdag pa niya, kung mayroon mang nakakaranas na mga guro ng ganitong karanasan ay maaari silang makipagtulungan sa mga kawani ng departamento ng sa ganoon ay malutas ang isyu at hindi na maapektuhan pa ang reputasyon at imahe ng DepEd Palawan.
Kung natatakot umano ang mga guro na magsumbong sa mga nakaupo sa pwesto ay maari silang makipag-ugnayan sa regional at central office, sa DepEd Secretary na si Sonny Angara o maging sa National Bureau of Investigation (NBI).
Nang tanungin naman ang tungkol sa pagpapatanggal sa School Division Superintendent na si Dr. Elsie T. Barrios, isa sa mga presidente ng principals ang nagbigay ng pahayag na wala sila sa tamang posisyon para mapaalis sa pwesto si SDS Barrios na ikinadismaya naman ni 2nd District Representative Board Member Ryan Maminta dahil aniya, noong humingi ng tulong ang mga presidente ng punong-guro upang patalsikin ang dating SDS ay nagawan ito ng magandang paraan ngunit ngayon ay kaniyang ikinalungkot ang naging sagot nito.
“Ang sinasabi ng pangulo ng mga guro sa buong lalawigan ng Palawan, na wala silang magagawa sa pagkakataong iyon, nakakalungkot, ginoong tagapanguna,” saad ni BM Maminta.
Isiniwalat din ni BM Maminta na mayroong 4 na complaint na natanggap ang Central Office; 3 mula sa Sur at 1 sa Norte ng Palawan na hindi na pinangalanan ng lupon.
Dagdag pa niya, nasa “moral crisis” na ang kagawaran dahil sa isyung kinasasangkutan nito ngayon kaya walang lumalapit at nagrereklamo sa mga nakaupo sa pwesto ay dahil wala na itong mga tiwala.
“Walang nagrereklamo sa inyo sapagkat walang tiwala sa inyo.”
“Moral crisis, frankly speaking, naaapektuhan na ang buong DepEd Palawan. Kung trabaho ito ng iilan sa nangyayari, kawawa naman iyong talagang nagtatrabaho, trabaho ng ilan apektado ang marami,” pahayag naman ni Estefano.