Sa gitna ng reklamo ng mga mamamayan ukol sa ‘di pagsunod ng ilang mga drayber sa kautusan ng DOTr /na maglagay ng harang sa mga upuan o sundin ang social distancing, hinihikayat ngayon ng Program Manager ng Puerto Princesa Land Transport Terminal (PPLTT) ang mga mananakay na huwag itong tangkilikin at i-report sa mga kinauukulan.
Sa one-on-one interview ng Palawan Daily News team sa Program Manager ng PPLTT na si Joseph Vincent Carpio kamakailan, binanggit niya ang ilang bagay na mainam na gawin ng isang commuter kapag nakasalamuha ng mga pasaway na drayber na hindi naglalagay ng barriers sa loob ng sasakyan o nagpapasakay pa rin kahit puno na.
“Unang-una, kailangan ang isipin nila ay ang kanilang personal na kaligtasan. Dapat, ‘pag nakita nila na puno na, ‘wag na silang sumakay—eh, sasakay ka tapos magrereklamo ka. So, ‘wag na silang sumakay [doon] at sabihin nila ‘Wala ng social distancing, wala kang barrier [sa loob ng sasakyan], maghihintay [na lang kami ng ibang masasakyan] kasi mahal namin ang sarili namin at ayaw naming magkasakit [sa COVID-19],”’ ani Carpio.
Ipinaliwanag ni Carpio na sa kagustuhan ng Pangulo na makabangong muli ang ekonomiya ng Pilipinas ay nagbigay din siya ng pagkakataon sa sektor ng transpostasyon na bumalik sa kalsada ngunit kailngang sundin ang health at safety protocols gaya paglalagay ng harang sa pagitan ng mga pasahero.
“Kung hahanapin nila ang basehan ng mga sinasabi ko, pwede nilang tingnan ‘yong LTFRB Memorandum Circular No. 2020-061 na nag-a-allow do’n na magtatabi-tabi ang mga pasahero, provided na may plastic barriers na nakalagay na nakikita n’yo sa atin ngayon sa ating mga multicab. Sabi ko nga, kung walang barrier, ingatan natin ang sarili natin, ‘wag na tayong sumakay at sabihin natin sa driver na ‘Hindi ho kami sasakay kasi mahal namin ang sarili naming….,’” ani Carpio.
Ayon pa kay Carpio, pwedeng magreklamo ang sinuman sapagkat karapatan ng bawat isa na pangalagaan ang sarili laban COVID-19.
“Gaya nga ng sabi ko, ‘yong seguridad ng kalusugan ng bawat isa, karapatan ng tao. Pwede nating sabihan ‘yong drayber na ‘Puno na tayo, ‘wag ka nang magsakay [ng iba pang pasahero.’ [At pwede ring] paalalalahanan natin ang sasakay na ‘Wala po tayong social distancing [kapag sumakay pa kayo],” aniya.
Kung sakali umanong sa pagsakay nila ay maayos naman ngunit dumating sa punto na nagpasakay pa rin ang drayber, maaari silang magreklamo sa mga kaukulang ahensiya na gaya ng local Inter-agency Task Force (IATF), at sa Philippine National Police.
“Kung magrereklamo tayo, sana, ang sa akin lang, hindi naman sa [sinusupil ko ang inyong karapatan pero], ‘wag na nating idaan sa social media kasi wala pong solusyon na naibibigay sa social media. Ngayon, kung gusto nating magreklamo at gusto nating maaksyunan ‘yon, kunin natin [ang] lahat ng detalye ng irereklamo natin at siguruhin natin na talagang tayo’y desididong magreklamo—karapatan ng bawat isa ‘yon kung nakikita n’yong nalalagay sa peligrong sitwasyon [ang inyong sarili],” paliwanag pa ni Carpio
Ilang reklamo na rin ang makikitang naka-post sa social media ng ilang mamamayan ng siyudad na kumakalampag sa mga kinauukulan dahil sa siksikan at punuan sa mga bus o multicab sa siyudad ng Puerto Princesa.
REKLAMO NG MGA TAO
Ayon kay Exequil Deloria III, January 5 nang bumiyahe siya mula Puerto Princesa papuntang Aborlan. Siksikan umano ang mga tao sa loob ng sinakyang bus simula pa lang sa terminal ng Puerto Princesa.
“Grabe parang mauuna pa yata akong magka-COVID dito. Punong puno ‘yong bus. This is the big problem that we are actually facing right now. Most of transportation buses and vans, inaabuso ‘yong COVID. Mahal na pamasahe, yet siksikan pa rin sa loob,” aniya.
“Siksikan na no’ng nasa terminal kami. Hapon na ‘yon. Actually, sinasabihan ng mga tao from the booth ng Cherry Bus, tsaka driver ‘yong kundoktor na magbawas kasi baka di makalusot but di nakikinig ‘yong kundoktor. Nag-ticket pa rin s’ya ng hindi nagbabawas ng tao. In addition to that, [bandang] Irawan nagdagdag pa sila ng tao kaya may mga nakatayo na,” dagdag pa ni Deloria.
Sa pamamagitan din ng post sa kanyang social media account ni Mike Escote, empleyado ng pamahalaan at residente ng lungsod ng Puerto Princesa, nanawagan siya sa transport group sa lungsod at lalawigan ng Palawan na ibalik na lamang sa dati ang pamasahe sa mga shuttle van dahil lahat naman umano ng upuan ay may nakaupo.
“Mukhang di naman apektado ng COVID-19 ang mga van. Mula Brgy. Malatgao, Narra hanggang Puerto Princesa City, P250 ang singil sa amin kada isang pasahero, [pero] punong-puno naman ang van. Baka pwede lang po,” ani Escote.
Sa nakaabot na impormasyon sa Palawan Daily News, sa huling meeting ng PDRRMC noong Disyembre ay kinuha ni EOC Manager Jerry Alili ang atensiyon ng PNP HPG kaugnay sa usapin dahil marami umanong natatanggap na nagreklamo sa EOC na mataas ang pamasahe ngunit walang social distancing.
Ayon naman sa pinuno ng PPLTT, kinausap na niya ang mga driver at operator sa San Jose Public Terminal at nakiusap umano siyang sundin nila ang itinadhana ng kautusan ng DOTr. Aniya, nagbibigay naman siya ng konsiderasyon ngayong pandemya ngunit ang tanging pakiusap lamang niya sa kanila na sumunod sa patakaran kapag nasa loob ng kanyang hurisdiksyon.
Discussion about this post