Hindi muna papayagan ng Bayan ng Narra, Palawan ang mga residente ng Puerto Princesa na makapasok sa kanilang munisipyo. Ito ay bunsod ng tumataas na bilang ng positibo sa COVID-19 sa Puerto Princesa.
Ayon kay Acting Mayor Crispin Lumba Jr., simula bukas Pebrero 20, 2021 hanggang Marso 5, 2021 ay maghihigpit sila sa mga borders ng Munisipyo.
“So simula bukas ay lilimitahan natin yung ating mga kababayan na magbiyahe ng Puerto Princesa for the next 14 days. So dalawa lang ang papayagan natin at kailangan ay kukuha sila ng APOR Certificate sa ating [Municipal] EOC. Kailangan ang purpose ng travel nila ay unang-una pag may medical reasons siya, check-up or medical emergencies tapos pangalawa yung essential travel.”
Dagdag pa ni Acting Mayor Lumba Jr., hindi muna nila papayagan na pumasok sa kanilang bayan ang mga residente ng Puerto Princesa maging ang mga taga-Narra na nagtatrabaho sa lungsod.
“Hindi muna kami tatanggap ng mga galing ng Puerto Princesa dito sa amin. Kahit APOR siya at nagtatrabaho sa Puerto na taga-Narra na huwag muna mag uwi for the next 14 days.”
Samantala, papayagan naman umano na makapasok sa Munisipyo ang mga may lehitimong transaksyon o essential travel.
“Papayagan naman natin ‘pag essential travel, halimbawa yung panel yung mga negosyante natin from Puerto Princesa to dito [Narra, Palawan] ay papayagan natin. Pero yung pupunta lang dito para dito matulog sa Narra ay hindi po muna.”
Ayon naman kay Puerto Princesa City Information Officer (CIO) Richard Ligad, wala naman ito nakikitang problema dahil pinoprotektahan lamang ng bawat munisipyo ang kanilang mga nasasakupan.
“Pinapangalagaan lang naman ng mga munisipyo yung kanilang mamamayan so ok lang naman yan. And tingin ko may coordination naman ‘yan between the PDRRMO and CDRRMO.
”Mensahe naman ni CIO Ligad sa mga kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa lungsod na pawang mga residente ng iba’t ibang mga munisipyo.
“Sumunod na lamang tayo kung yun talaga pinapatupad ng bawat Munisipyo. Di naman natin puwedeng itanggi na talagang mayroon Local Transmission tayo dito [Puerto Princesa] at hindi naman talaga natin nakikita si COVID talaga.”
Discussion about this post