Asahan umano pag-ulan sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan mula Sabado, Pebrero 20 hanggang Lunes, Pebrero 22 lalo na sa Norte ng Palawan dahil ito ang lugar na higit maaapektuhan ng kaulapang dulot ng Bagyong Auring.
“Sa weekend ay maaapektuhan tayo lalo na sa Linggo. Pagtama niyan dito sa may Caraga ay sasabog po yung mga ulap niyan at magpapaulan din po yan dito sa Northern Palawan kasama po yung Calamianes [Group of Islands]. Lalo’t higit sa Lunes dahil ang path niyan ay dito po sa close to Busuanga at maaari ngang tamaan yung Busuanga sa araw po ng Lunes around noon time.” Paliwanag ni Sonny Pajarilla, Chief Meteorological Officer ng PAGASA Puerto Princesa.
Dagdag pa nito na pabor ang malamig na panahon dahil itinutulak nito ang bagyo pababa ng kaniyang track.
“Amihan plus medyo lumakas po yan dahil may bagyo po tayo. Hinihila po yung Amihan natin at dahil diyan kaya malakas…[at] matataas…din po yung ating mga alon. So yung malamig na hangin ay pabor yun para di lumakas yung bagyo dahil ang cold surge na tinatawag…ay isa yun sa mga deterrent para ang bagyo ay hindi lumakas kaya pagkaganitong panahon hindi po nakakalakas ng maigi yung bagyo plus bumababa yung track dahil iniiwasan yung lamig [at] tinutulak dito sa baba.”
Ipinagbabawal na rin umano ang paglayag ng mga mangingisda dahil sa pagtaas at malalakas na alon sa karagatan.
“May pagbabawal na po tayo lalo na dito sa Kalayaan Area. Yung West Philippine Sea [ay] maalon po yan maging dito sa Sulu although wala pa pong Gale Warning dito pero wag na pong pumalaot. Maalon na po yan lalo na’t yun nga may padaan tayo na bagyo sa early part of next week – sa Linggo, Lunes at Martes.
”Base sa datos ng PAGASA ngayong araw, Pebrero 19, alas 5 ng hapon, humina ang Bagyong Auring at isa na lamang Tropical Storm.
Huling namataan ang Bagyong Auring sa layong 405 km East Southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur na may taglay na lakas ng hangin na 85 km/hr at pagbugso ng hangin na aabot sa 105 km/hr. Ito naman ay kasalukuyang gumagalaw pakanluran sa bilis na 15 km/hr.
Inaasahan ang landfall ng bagyong Auring sa Eastern Coast ng Caraga sa Linggo, Pebrero 21.
Discussion about this post