Isang 73-anyos na lalaki ang kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang tahanan dahil sa inabot nitong saksak at bugbog matapos nitong maningil ng pautang na isda Martes ng umaga, ika-14 ng Setyembre sa Purok Matatag 1, Barangay Panacan II, Narra, Palawan.
Ang biktimang kinilalang si Manuel Mallan, naglalako ng isda, ay maniningil sana ng inutang na isda ng suspek na kinilalang si Bobby Baterina, 54-anyos, kahapon ngunit nang magpang-abot ang mga ito sa isang bilyaran sa Purok Matatag I ay dito na nga nauwi sa hindi magandang salitaan ang dalawang panig.
Ayon sa anak ng biktima na si Mylen Mallan, ngayon ay nasa Oman, akma sanang hahampasin ng kanyang ama ng tako ang suspek ngunit naagaw umano ito ng suspek, binali at ginamit na panaksak sa biktima.
Samantala, nagtamo ng malalim na sugat sa kaliwang tagiliran ang biktima at mga gasgas sa likuran nito dahil sa pambubugbog na ginawa ng nasabing suspek.
Samantala, naawat ng isang residente ang suspek at isinugod ang matandang biktima sa ospital upang malapatan ng pangunang lunas.
Giit pa ng anak ng biktima ay inaangkat lamang umano ng kanyang ama ang isdang inilalako nito sa pamamagitan ng paglalakad at wala umanong ka-abog abog na inutangan pa ng suspek.
Sa panayam ng Palawan Daily sa kaanak ng biktima, agad na rin umano silang dumulog sa mga awtoridad kahapon at kakasuhan ang nasabing suspek na, ayon sa kanila, ay itinuring na nilang kapamilya mula pa noon.
Discussion about this post